Magpapakitang gilas sina Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva at TESDA “ambassador” na si Chef Boy Logro sa pagdiriwang ika-20 taon anibersaryo ng ahensya na magsisimula ngayong Martes, Agosto 26.
Bilang panimula, itatampok ang basketball exhibition game na: Shoot for Your Dreams, kung saan maglalaro si Villanueva at dating Philippine Basketball Association (PBA) star players na sina Marlou Aquino, Jerry Codiñera, Bal David, Kenneth Duremdes, Bobby Jose, Alvin Patrimonio at Rodney Santos, laban sa mga TESDA Specialistas.
“In a way, they want to impart the message to the youth that shooting for their dreams is possible through the technical vocational education pathway,” pahayag ni Villanueva.
Ipinabatid ng kalihim na inaasahang igagawad ni Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino ang pagkilala sa mga empleyado na nagpamalas ng dedikasyon sa trabaho at tech-voc graduate na nagpakita ng natatanging talino at talento bilang “Idol ng TESDA” at mga institusyon at local government units bilang Kabalikat Awardees.
Bibigyan naman ng libreng masahe, gupit, SPA at facial treatment ang mga empleyado at magkakaroon ng libreng bakuna sa ilang sakit.
Mayroon ding skills demonstration sa fruit carving, beauty care, bread and pastry production at flower arrangement habang iba’tibang produkto ang ihahatag sa bazaar at kiosks ng TESDA partners tulad ng Coca Cola Philippines, Liter of Light, and PNoy Bayanihan Project.