Igigiit ngayong araw ng isang urban poor group sa Quezon City na imbestigahan ng Commission on Audit (CoA) ang kontrobersiyal na P11 bilyong mula sa bahagi ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na nakalaan sa socialized-housing project ng mga informal settler families (ISF) na nakatira sa mga “danger zone” sa Metro Manila.
Sa panayam, sinabi ni Carlito Badion, secretary general ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), dapat na malaman ng taumbayan kung saan napunta ang nasabing pondo na ipinalabas ng Department of Budget and Management (DBM) sa NHA noong 2011 para sa “on-site development” sa 20,000 pamilyang nasa “danger zone”.
Binanggit din ni Badion ang iniharap nilang reklamo sa tanggapn ni CoA Chairperson Ma. Gracia Pulido-Tan noong Setyembre pa ng nakalipas na taon kung saan humiling sila na silipin ng CoA ang naturang proyektong pabahay ng NHA na para sa mahihirap.
Ang reaksyon ng grupo ay bunsod na rin ng plano ni NHA General Manager Chito Cruz na isauli sa National Treasury ang P450 milyong bahagi ng P11 bilyong nakalaan sana sa in-city housing project ng mga residente ng North Triangle na maaapektuhan ng implementasyon ng Central Business District (CBD) na isinusulong ng NHA at Ayala Land, Inc (ALI).
“Dapat imbestigahan ito ng CoA upang malaman natin (taumbayan) kung saan nagamit ang P11 bilyong pondo,” pagdidiin ni Badion.
Nagpahayag din ng pagdududa si Badion dahil hindi malayong gamitin aniya ng NHA ang P450 milyon bilang double funding sa malapit nang matapos na 10 na medium rise building (MRB) project sa Camarin, Caloocan City.