Kapwa umaasa sina Rain or Shine coach Yeng Guaio at Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner Chito Salud na hindi na aabot pa sa tanggapan ng huli ang problema ng Elasto Painters tungkol sa kanilang ace playmaker na si Paul Lee na nakatakdang magtapos ang kontrata sa katapusan ng buwan.

Nauna nang nagpahayag si Lee, na kasalukuyang nasa Spain bilang bahagi ng Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA World Cup kapalit ng injured na si Larry Fonacier, nang kagustuhan nitong mai-trade sa halip na pumirma ng bagong kontrata sa Rain or Shine.

Sinabi naman ni Guiao na wala silang balak pakawalan si Lee at sa katunayan ay inalok na ito ng management ng Elasto Painters ng kontrata kung saan tatanggapin nito ang maximum salary ng isang manlalaro sa liga.

Ngunit sinasabing pinaninindigan ni Lee ang naunang naglabasang balita na magpapa-trade na lamang siya.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Bunga nito, hindi maiwasan ng kampo ng Rain or Shine na may nag-alok ng mas magandang offer sa kanilang manlalaro.

“kasi nang mag-usap kami, sinabi ko sa kanya bakit pa siya aalis maganda naman ang samahan namin dito para na kaming isang pamilya. Tapos maganda rin ang tinatakbo ng career niya dito, naging Rookie of the Year siya, nag-champion kami, then nakapag-Gilas siya,” ani Guiao.

“Ang sabi niya sa akin, para daw sa pamilya niya. Nag–offer na nga kami ng maximum salary sa kanya e, ibig sabihin may mas magandang offer,” dagdag pa ng RoS mentor.

“We will talk when he returns, and I’m hoping that we will not go that far,” pahayag ni Guiao sa posibilidad na umabot pa sila sa tanggapan ni Salud dahil sa isyu.

Sa panig naman ng PBA chief, inaasahan din niya na hindi na kailangan pang humantong na mamagitan siya sa magkabilang panig para lamang lutasin ang problema.

Ngunit binigyan-diin nito na batay sa panuntunan ng liga, walang sinumang maaaring makipag-usap o makipag-negosasyon sa isang manlalaro na mapapaso pa lamang ang kontrata maliban sa kanyang mother team.

“No one can talk to the player or through his agent prior to the expiration of his contract except for his mother team. Anybody who talks prematurely is guilty of tampering a live contract,” ani Salud.

At kahit umano napaso na ang kontrata ng player, may karapatan pa rin sa kanya ang kanyang mother team dahil sa umiiral na ruling hinggil sa “right of first refusal.”

At sa kaso ni Lee , kung saan umano ay binigyan na ito ng offer na maximum salary ng kanyang koponan na iginigiit pa rin nito ang kanyang paglipat, may obiligasyon aniya ang manlalaro sa publiko na ipaliwanag ang kanyang kadahilanan.

“He must have a valid reason,” ayon pa kay Salud na nagsabing kung sakaling kailanganin ay handa naman ang kanyang tanggapan na mamagitan sa magkabilang panig.