Muling tinanghal na UAAP Press Corps-Accel Quantum Plus/3XVI Player of the Week ang National University center na si Alfred Aroga matapos na pangunahan ang nakaraang huling dalawang laro kontra sa Adamson at Ateneo sa ginaganap na UAAP Season 77 men’s basketball tournament.
Pinadapa ng Bulldogs ang Blue Eagles, 76-66, noong nakaraang Linggo at ginapi ang Falcons, 71-50, noong nakaraang Miyerkules para palakasin ang kanilang Final Four bid.
Dahil sa kanilang panalo laban sa Ateneo, magkatabla na sila ngayon sa ikatlong puwesto na hawak ang barahang 7-3 (panalo-talo), nasa likuran ng namumunong Far Eastern University (FEU) at defending champion La Salle na kapwa may barahang 7-2.
Ang ipinakitang magandang paglalaro ni Aroga ang naging dahilan kaya nanatili silang nasa Top Four at buhay ang tsansang umusad sa semifinals.
Nagtala ng average na 11 puntos, 11.5 rebounds at 5 blocks kada laro ang Cameroonian center sa nakaraang dalawa nilang panalo laban sa Adamson at Ateneo.
Ipinakita niya ang kanyang pinakamagandang laro ngayong season kontra Blue Eagles nang muntik ng makakumpleto ng triple double matapos magposte ng 15 puntos, 11 rebounds at season-high 8 blocks, na tumabla sa pinakamaraming blocks na naitala ng dating league MVP at FEU standout na si Arwind Santos ng noong 2003.
“I was really prepared for this game,” ani Aroga, na siyang pumalit sa puwesto ng Mythical Team member na si Emmanuel Mbe sa hanay ng Bulldogs.
Sa kanilang 21-puntos na panalo ng Falcons, nagtala naman si Aroga ng 12 rebounds, 7 puntos at 2 blocks.
Tinalo ni Aroga para sa lingguhang citation na suportado ng Bactigel Hand Sanitizer, Mighty Mom Dishwashing at Dr. J Rubbing Alcohol sina Roger Pogoy ng FEU at Almond Vosotros ng La Salle.