Bagamat nakuha lamang bilang second round pick, maituturing na mapalad ang manlalaro ng University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) na si Harold Arboleda.

Napiling ikawalo sa second round ang offguard na si Arboleda na nag-iisang kinuha ng Talk ‘N Text sa nakaraang Gatorade 2014 PBA Annual Rookie Draft.

“Pinagpipilian namin kasi siya at si Jake Pascual. Eh na-draft si Pascual sa first round,” paliwanag ni Tropang Texters assistant coach Nash Racela.

Ayon kay Racela, kausap nila ang head coach na si Jong Uichico na kasalukuyang nasa Spain bilang isa sa assistant coaches ng Gilas at may basbas nito ang pagpili nila kay Arboleda.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Si coach din ang nagdesisyon niyan, kausap namin siya from Spain. Alam niya rin kasi at talagang makakatulong sa team. Kasi kaya niyang maglaro ng 1-2 at 3 tapos may outside shooting at mapapakinabangan sa depensa kasi masipag,” ayon pa kay Racela na nakatakda ring sumunod sa Spain bukas dahil isa rin siya sa assistant coaches ni Chot Reyes sa Gilas.

Dahil dito, malaki ang posibilidad na lumagda ng kontrata si Arboleda, nakatakdang ipagdiwang ang kanyang ika-24 kaarawan sa susunod na buwan, para sa Tropang Texters.

“Masayang-masaya po ako kasi nadraft ako at nagpapasalamat po ako sa Talk ‘N Text sa tiwala nila sa akin,” pahayag ni Arboleda kasabay ang pangakong lalo pa niyang pagbubutihin ang laro sa sandaling mabigyan siya ng pagkakataon ng kopon

Ngunit bago ang kanyang ambisyon makapaglaro sa PBA, sinabi ni Arboleda na nais muna niyang tulungan ang kanyang team na magkampeon sa NCAA.