Uuwing bokya sa medalya ang pitong batang atleta kasama ang mga opisyales ng delegasyon ng Pilipinas mula sa isa na namang masaklap na kampanya sa 2nd Youth Olympic Games matapos kapwa huling mabigo ang Fil-American track athlete na si Zion Rose Nelson at artistic gymnast na si Ava Lorein Verdeflor sa Nanjing Olympic Sports Center.

Muling itinala ng 15-anyos na si Nelson ang kanyang personal best time sa women’s 400m sa pagtatala ng 55.32 segundo subalit hindi ito naging sapat upang makapag-uwi ng medalya para sa patuloy na nananatiling uhaw sa anumang kulay ng medalya sa torneo na Pilipinas.

Ang isinumiteng oras ni Nelson na unang nagtala ng 56.22 ay nagkasya lamang sa malayong –ika-12 puwesto mula sa pinakamabilis na oras na itinala ni Jessica Thornton ng Australia (52.50) na iniuwi ang ginto. Ikalawa si Salwa Naser ng Bahrain (52.74) at ikatlo si Meleni Rodney ng Grenada (53.33).

Hindi rin nakalusot ang 15-anyos na si Verdeflor sa finals ng uneven bars matapos na magkasya lamang sa ika-anim na puwesto sa itinala nitong 4.900 at 7.433 sa una at ikalawang pagsalang para sa kabuuang 12.333 puntos.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Iniuwi ni Seda Tutkhalyan ng Russian Federation ang ginto mula sa 5.600-7.975 para sa 13.575 total. Ikalawa si Iosra Abdelaziz ng Italy sa 5.400-7.966 para sa 13.366 puntos at ikatlo si Yan Wang ng People’s Republic of China na may natipong 5.500-7.566 para sa kabuuang 13.066 puntos.

Unang sumalang at agad nabigo ang triathlete na si Victorija Deldio na tumapos na pinakahuli sa 32 kalahok bago sinundan ng swimmer na si Roxanne Ashely Yu na nabigo sa women’s 100m backstroke bilang ika-26 mula sa 34 kasali at sa 200m matapos pumuwesto na ika-19 mula sa 30 kasali.

Bigo rin ang shooter na si Celdon Arellano sa 10m air rifle upang makasama ng mga archer na sina Luis Gabriel Moreno at Bianca Cristina Gotuaco.