IPINAGDIRIWANG ang Pambansang Araw ng mga Bayani tuwing huling Lunes ng Agosto. Ngayong taon ito ay pumatak sa Agosto 25, 2014, isang regular holiday alinsunod sa Republic Act 9492, na may temang “Bayaning Pilipino: Lumalaban para sa Makatwiran at Makabuluhang Pagbabago.”
Ang huling linggo ng Agosto ayon sa kasaysayan ay mahalaga dahil sa panahong ito noong 1896 inilunsad ni Gat Andres Bonifacio at ng Katipunan (Kataas-taasang Kagalang-galangang, Katipunan ng mga Anak ng Bayan), ang rebolusyonaryong grupo na kanyang itinatag, sa Sigaw sa Pugad Lawin ang Rebolusyon ng Pilipinas na naghudyat ng pakikipaglaban para sa kalayaan mula sa pananakop ng mga Espanyol.
Minamarkahan ng mga Pilipino, dito at sa ibang bansa, ang araw sa pagpupugay sa katapangan at pagkamakabayan ng mga pambansang bayani – kilala at hindi—na
nagsakripisyo, gayundin ang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa paglago ng bansa. Ang mga tradisyunal na paggunita ay kinabibilangan ng mga parada, pag-aalay ng mga bulaklak sa mga dambana, talakayan sa klase at mga photo exhibit.
Inaasahang mag-aalay si Pangulong Benigno S. Aquino III ng bulaklak sa Libingan ng mga Bayani sa harap ng Fort Bonifacio sa Taguig City, ang huling hantungan ng mga bayani at martir ng Philippine Revolution Defenders of Bataan and Corregidor, at mga sundalong Pilipino at Amerikano na lumaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ginaganap din ang special rites sa mga makasaysayang lugar, gaya ng pag-aalay ng bulaklak sa Mausoleo delos Veteranos de la Revolucion (Mausoleum para sa mga Beterano ng Rebolusyon) sa Manila North Cemetery, sa Pathway to Glory sa Heroes Square sa loob ng Rizal Park, at ang tree-planting sa Capas National Shrine sa Tarlac.
Ang mga bomberong Tsinoy na namatay sa pagtupad ng kanilang tungkulin ay ginugunita sa Chinese Cemetery sa Manila. Binibigyan naman ng special tribute ang overseas Filipino workers, ang mga bagong bayani ng bansa, sa kanilang kontribusyon sa socio-economic development ng bansa. Ang National Commission for Culture and the Arts ay nag-oorgnisa ng isang online contest, ang Heroes Selfie, upang isulong ang pagpipreserba sa mga monumento at dambana ng mga pambansa at lokal na bayani.
Ang mga lokal na pamahalaan at mga publikong institusyon sa buong bansa ay nagdaraos ng mga aktibidad gaya ng pagtalakay sa buhay at mga natamo ng mga pambansang bayani, essay writing, storytelling at exhibits na nagpapamalas na kanilang mga pamana. Sa maraming bansa, na mayroong malaking bilang ng mga Pilipino, sila rin ay magdaraos ng mga pagdiriwang para sa mga lumaban para sa Kalayaan ng Pilipinas.