Ni RIZALDY COMANDA
TUBA, Benguet – Bagamat wala pa ring relocation site ang pamahalaang bayan para sa mga nakatira sa 19 na bahay sa Kiangan Village sa Kennon Road, tiyak naman ng mga lokal na opisyal na may mga kaanak naman ang mga residente na maaaring pansamantalang matuluyan ng mga ito.
Sa isang panayam, sinabi ni Mayor Florencio Bentrez na hinihiling nila sa mga residente na umalis na sa lugar, makaraang matukoy sa report ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na untiunting gumuguho ito.
Ibinatay ni Bentrez sa nasabing report ng MGB ang inilabas niyang memorandum upang himukin ang 19 na pamilya na lisanin na ang Kiangan Village.
Iniulat noong nakaraang linggo ng MGB na simula nang yanigin ng malakas na lindol ang Northern Luzon noong 1990 ay unti-unti nang gumuguho ang Kiangan Village, ngunit sa kabila nito ay ipinagwawalang-bahala lang ito ng mga residente.
“Sinabi ng mga residente na marami na silang pinagdaanang kalamidad pero hindi naman sila naapektuhan ng mga ito, ngunit hindi dapat na ito ang maging batayan nila sa sarili nilang kaligtasan. Dapat nating seryosohin ang report ng MGB,” anang alkalde.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Gov. Nestor Fongwan na bumubuo na ang pamahalaang panglalawigan ng relocation committee sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Housing Authority (NHA) at iba pang ahensiya ng gobyerno, upang talakayin kung paano matutulungan ang mga residente.
Gayunman, iginiit ng gobernador sa mga residente sa Kiangan Village na agad nang lisanin ang lugar at kung maaari ay makituloy muna sa mga kaanak sa ibang lugar upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Nito lang Agosto 13 ay idineklara sa report ni Ronnie Portes, geologist ng MGB, ang Kiangan Village bilang “No Build Zone” dahil sa natukoy na landslide deposit sa lugar.