MAUBANOG Festival

Sinulat at mga larawang kuha ni DANNY J. ESTACIO

MAKULAY ang mga kasuotan at nagririkitan ang kababaihan na sabay-sabay ang pag-indayog sa nilahukang sayawan sa kalye sa saliw ng masiglang tugtugin para sa pagdiriwang Maubanog Festival. Ang festival na ito ay nagpapakita ng kultura at tradisyon ng mga panalangin at pasasalamat ng mga Maubanin.

Sa pagdaan ng mahabang panahon ay kanila itong pinag-ibayo upang manatiling nakakintal sa kanilang isipan at maging sa alaala ng mga taga-ibang lugar na dumadayo sa kanilang bayan. Sa pamamagitan ng sayaw ay inilalarawan ng mga mananayaw sa kalye ang mga kaugalian ng nagdaang panahon at ng kasalukuyan.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sa araw ng pagdiwang nito, na itinakda noong Hulyo 7, at sa buong panahong isinasagawa nita ay maraming mga taga-Mauban na nasa ibang bansa ang nag-aalay ng kanilang oras upang umuwi sa kanilang tinubuang lupa, para makapiling at muling damhin ang kinagisnang pista.

Ang bayan ng Mauban ay naging tanyag sa kanilang lokal na alak na nanggagaling sa nipa o sasa, kaya tinatawag na alak sasa pero mas kilala naman sa katawagang lambanog, ang pinag-ugatan ng salitang Maubanog. Bilang isa sa mga pangunahing kabuhayan, dahil marami ang nagpabrika o gumagawa ng alak na ito sa Mauban, nagtakda ng isang kasiyahan na may kaugnayan dito sa layong pasiglahin at payabungin ang industriya ng kanilang produkto.

Hinangad ng kanilang municipal mayor na si Fernando Llamas, sapul nang maluklok siya sa posisyon, na maipakilala at mapatanyag sa buong bansa ang kanilang festival. Naging bunga nito ang programa na kanyang binuo upang paunlarin ang Maubanog Festival sa linya ng turismo at layunin din niya na maging pinakamahusay na festival sa lalawigan ng Quezon at sa bansa.

Sa Maubanog Festival, natutunghayan ang iba't iba pang mga produkto sa Mauban na pangunahing pinagkukunan ng kanilang ikinabubuhay mula sa kabundukan, kapatagan at karagatan.

Ang kasiyahan at iba pang mga gawain tuwing Maubanog Festival ay iniaalay din ng mga Maubanon sa kanilang patron na si St. Bonaventure na ipinadiriwang tuwing ika-15 ng Hulyo, ang kapistahan ng bayan.

At sa tuwinang ipinagdiriwang nila ito, nagpapasalamat sila sa Panginoong Lumikha sa lahat ng mga biyayang kanilang tinatamasa.