SARIAYA, Quezon – Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga motorista at commuter sa umaabot sa mahigit tatlong oras na delay sa kanilang biyahe dahil sa paggamit ng itinalagang de-tour lane sa bayang ito.

Ang pagsisikip ng trapiko ay bunsod ng konstruksiyon ng Quinuang Bridge sa Barangay Sampalo 2 sa bayang ito.

Nagsisimulang bumigat ang trapiko sa Bgy. Balubal sa timog at sa Bgy. Sto. Cristo sa hilagang bahagi ng Sariaya sa biyaheng nagmula at patungo sa Metro Manila.

Inirereklamo ng mga commuter ang Department of Public Works and Highways (DPWH) 2nd District Office, na pinamumunuan ni Nestor Cleofas, dahil sa hindi umano magandang kondisyon ng de-tour road na nakapeperhuwisyo sa trapiko.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa mga commuter, kapansin-pansin na makitid ang ilang bahagi ng kalsada para sa de-tour ng mga motorista at delikado ito para sa ilang sasakyan dahil hindi umano akma sa two-way traffic ang sukat ng kalsada.

Dahil dito, nananawagan ang mga commuter at motorista kay DPWH Secretary Rogelio Singson na agad na aksiyunan ang nasabing usapin upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko at maiwasan na rin ang anumang aksidente sa lugar.

Anila, nakapagpapalubha rin ng trapiko ang isinasagawang pagpapalawak sa bahagi ng Maharlika Highway sa mga bayan ng Sariaya at Candelaria sa Quezon. - Danny J. Estacio