Inagaw ng Boracay SEA Dragons ang titulo sa men’s division at Philippine Marines sa women’s side habang ikatlong sunod na korona ang ibinulsa ng Boracay All Stars sa pagtatapos kamakalawa ng DoubleDragon Boat Race 2014 sa pinakatampok na Iloilo City Charter sa Iloilo River Wharf.
Hinubaran ng korona ng SEA Dragons ang kapatid na All Stars sa pagtala ng pinakamabilis na 43’54” segundo sa centerpiece sa men’s finals upang iuwi sa unang pagkakataon ang tropeo na ipinagkaloob ni Senate President Franklin Drilon at DoubleDragon Company president Edgar “Injap” Sia II.
Pinilit humarurot ng dethroned champions na All-Stars sa huling 50 metro subalit kinapos itong maipagtanggol ang korona sa pagsumite lamang ng 43’97” segundo. Pumangatlo ang Bohol Paddlers (44’96”) at ikaapat ang Team Bugsay sa 46’01”.
Ipinakita naman ng Philippine Marines sa women’s divison ang matinding pagsagwan sa huling 100 metro upang agawin ang panalo sa pagtawid nila sa mabilis na 58’20”. Nalagpasan nila ang nangunang Manila Waves na nagkasya sa ikalawang puwesto (1’03”11) at pumangatlo ang Philippine Titans (1’06”19).
Itinala naman ng Boracay All-Stars ang ikatlong sunod na pagwawagi sa mixed category matapos na dominahin ang arangkadahan tungo sa pagtala ng pinakamabilis na 44’57”. Pumangalawa ang Philippine Marines (45’59”), ikatlo ang Bohol Paddlers (46’54”) at ikaapat ang Philippine Titans (47’11”).
Agad namang pinasalamatan nina Drilon at Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog, na isa sa kandidato sa 2014 World Best Mayor, ang lahat ng sumali sa kanilang layunin na mapalawak ang pag-aalaga at pagpapaganda sa ilog.
“Lubos namin pinasasalamatan ang lahat ng mga sumali dahil hindi matatawaran ang inyong pagtulong sa amin upang ang Iloilo River ang maging modelo at gayahin ng iba pang probinsya at ibang bansa na alagaan at mahalin ang ating kapaligiran,” sinabi ni Drilon.