Lumiham ang chairman ng Barangay Gen. T. De Leon sa Valenzuela City na si Rizalino Ferrer kay Northern Police District (NPD) Director Chief Supt. Edgar Layon upang humiling ng karagdagang pulis sa nasabing lugar para masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa kanyang nasasakupan.

Ang Gen. T. De Leon ang pinakamalaki sa 33 barangay sa Valenzuela, at pumapangalawa sa Bagong Silang sa Caloocan City na pinakamalaking barangay sa Pilipinas.

Mahigit 100,000 ang populasyon ng Gen. T. De Leon na may sukat na 366.9 ektarya at may 37,000 botante.

Ayon kay Ferrer, maraming investors sa kanilang barangay kaya kailangan nila ang karagdagang pulis para sa kaligtasan ng mga namumuhunan at ng mamamayan.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Aniya, apat na ang bangko sa Gen. T. De Leon, dalawa ang supermarket at may itinatayo pang shopping mall sa Gen. T. De Leon Bridge.

Umaabot sa 33 ang tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2, na pinamumunuan ni Senior Insp. Leo Calavio, pero kulang pa ito ng limang pulis, ayon kay Ferrer.

Hinihintay pa ni Ferrer ang tugon ng hepe ng NPD. - Orly L. Barcala