Ni TARA YAP

ILOILO CITY – Nanawagan ang mga grupong relihiyoso na imbestigahan ang pagkakabimbin sa implementasyon ng malawakang pagkukumpuni ng mga eskuwelahang winasak ng bagyong ‘Yolanda’ sa Capiz, na gagastusan ng P539.86 milyon.

“We are calling for an investigation. We want the people behind this held accountable,” apela ng mga pastor at obispo mula sa Capiz at Iloilo.

Naalarma ang mga miyembro ng Capiz Baptist Minister Association at Evangelical Minister Fellowship ng Iloilo City sa desisyon ng Department of Education (DepEd) na suspendihin ang ikalawang bahagi ng pagkukumpuni ng mga eskuwelahan kahit pa naigawad na ang mga kontrata sa 20 pribadong construction firm.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Una nang ipinaliwanag ng DepEd-Capiz na ipinatupad ang suspension order makaraang inspeksiyunin ni DepEd Assistant Secretary for Finance and Administration Francisco Varela ang mga pampublikong paaralan sa Capiz noong Hulyo.

Napaulat na natukoy sa assessment ni Valera na ang ilang paaralang saklaw ng inilaang P539.86 milyon pondo ay hindi nangangailangang kumpunihin.

Dahil dito, hindi nasimulan ang mga itinakdang pagkukumpuni dahil babaguhin ng DepEd-Capiz ang magiging saklaw ng proyekto at mag-a-adjust din sa gastusin.

“This is detrimental to thousands of our school children,” ayon sa dalawang relihiyosong grupo, tinukoy ang kapakanan ng mga bata sa Capiz na napipilitang magklase sa mga tent o makeshift classrooms.

Samantala, hinihimok din nila ang Office of the Ombudsman-Visayas na mag-imbestiga. Nagpadala na sila ng liham kay Atty. Philip Camiguing, acting Western Visayas regional director ng Office of the Ombudsman-Visayas, nitong Agosto 22, 2014.

Hiling din ng dalawang grupo na bumuo ng investigative body si Capiz Gov. Victor Tanco Sr. at ang Capiz Provincial Board, na pinamumunuan ni Vice Gov. Esteban Contreras.