Ni LESLIE ANN G. AQUINO

Bukod sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nagpahayag na rin ng suporta ang National Council of Churches in the Philippines sa isasagawang anti-pork rally sa Quirino Grandstand sa Manyila sa Lunes, Agosto 25.

“Let us join the gathering at Luneta on August 25 to show our solidarity against corruption,” pahayag ni NCCP Chairman Most Rev. Ephraim Fajutagana.

Sinabi ni Fajutagana na suportado nila ang People’s Initiative dahil pabor sila sa pagsasapubliko ng mga detalye kung saan napunta ang lahat ng discretionary fund at sa paglikha ng batas na magbabawal sa anumang uri ng presidential pork barrel fund.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Noong Agosto 8, inendorso ng CBCP, sa pangunguna ni Lingayen-Dagupan Socrates Villegas, ang People’s Initiative Against the Pork Barrel matapos lumutang ang balita na ipagpapatuloy ng gobyerno ang paglalaan ng lump sum mula sa national budget.

Dahil dito, nanawagan ang CBCP sa mamamayan na makibahagi sa payapa at maayos na hakbang upang mapigil ang korupsiyon, na ang nilulustay ay pondo ng bayan.

Nagsimula kahapon ang signature campaign ng People’s Initiative Against the Pork Barrel sa Cebu City.

Nais ng mga nasa likod ng kampanya na maipasa ang isang batas na gagawing krimen ang paggamit ng anumang uri ng pork barrel fund.

Target ng Cebu Coalition Against the Pork Barrel ang 5.4 milyong lagda na katumbas ng 10 porsiyento ng mga rehistradong botante sa bansa.