NA-IMMORTALIZE ang kaliwang dibdib ni Kate Moss sa isang champagne coupe.

Bilang pagbibigay-pugay sa ika-25 taon ng modelo sa fashion industry, kinuha ng London restaurant na 34 ang British artist na si Jane McAdam Freud upang gumawa ng molde ng kaliwang dibdib ni Kate na magsisilbing hugis ng mga champagne coupe.

Si Freud ay anak ni Lucien Freud, na noon ay ginawa ring muse si Kate at nagpinta ng hubo’t hubad na portrait ng noon ay nagdadalantaong modelo.

Tampok sa disenyo ng coupe ang mahabang stem, habang ang pinakaloob ng kopita ay may Art Deco-inspired pattern, na hango sa hugis ng dibdib ni Kate kapag hinawakan sa isang partikular na anggulo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang puwitan ng kopita ay may lagda ni Kate.

Si Kate ay fan ng nasabing Mayfair restaurant, sa katunayan ay ipinagdiwang niya roon ang kanyang ika-40 kaarawan noong Enero ng taong ito.

Sinabi ni Freud na inspirasyon niya ang legend ng orihinal na champagne coupe na “Bol Sein” noong 18th century, na pinaniniwalaang hango sa kaliwang dibdib ni Marie Antoinette.

Opisyal na ilulunsad ni Kate ang nasabing glassware sa Oktubre 8 sa Emin Room ng restaurant, kung saan matitikman mula sa kopita ang latest vintage ng Dom Perignon na P2-1998.

Gagamitin din ang kopita sa mga sister restaurant ng 34 sa London—ang The Ivy, Daphne’s, Scott’s and The Club at Ivy—simula sa Oktubre 9. - Agencé France-Presse