Ni CARLO S. SUERTE FELIPE

Pinababa kahapon ang lahat ng pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) 3 makaraang maputol ang radio communication at control operations ng tren pasado 12:00 ng tanghali.

“Train operators could send communication. However, the operations center cannot send information to them. Cases like this compromises the safety protocol so our safety officer decided to stop the operation both ways,” paliwanag ni MRT 3 Spokesman Hernando T. Cabrera.

Nilinaw ni Cabrera na walang naging problema sa alinman sa mga tren o sa riles o sa signaling system.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, lahat ng tren ng MRT ay nagsasakay at nagbababa ng mga pasahero sa lahat ng terminal nang magkaproblema sa radio communication ng tren.

Daan-daang pasahero ang napilitang bumaba sa lahat ng terminal ng MRT at sumakay na lang sa bus, taxi o jeep.

Bagamat nauunawaan ng ilan ang sitwasyon, marami sa mga naapektuhang pasahero ang nairita at pinagbuntunan ng galit ang mga teller at security guard sa terminal.

“We know it caused inconvenience to the public but we cannot risk the lives of passengers in situations like this,” giit naman ni Cabrera.

Habang sinusulat ang balitang ito, hindi pa batid ni Cabrera kung kailan magbabalik ang operasyon ng MRT 3.

Simula nang lumampas sa terminal sa Taft Avenue ang isang tumirik na tren ng MRT noong Agosto 13 ay ilang beses nang nagkaaberya ang operasyon ng nasabing tren noong Agosto 15 at 17, na parehong may kinalaman sa mga depektibong tren.

Sinabi ni Cabrera na simula nang maging tagapagsalita siya ng MRT noong 2004 ay ngayon lang nagkaproblema sa radio communications ng control center ng MRT 3.