Nailabas na ang babala para sa lahat ng nais tumalima. Sa Marso ng susunod na taon sa kasagsagan ng panahon ng tag-init, kakapusin ng 168 megawatts (MW) sa supply ng kuryente sa Luzon. Ang kakapusan ay maaring pumalo ng 535 MW sa kalagitaan ng buwan at aabot sa 932MW sa kalagitnaan ng Abril. Mag-iiba-iba ang kakapusan sa araw-araw; pagsapit ng Mayo 20, nasa 684 MW malamang iyon.

Ayon sa Department of Energy, ang kakapusan ay mararamdaman sa dalawa hanggang tatlong oras na rotating brownout. Iminungkahi nito sa Kongreso na aprubahan ang emergency powers upang maharap ni Pangulong Aquino ang situwasyon, pati na ang pagkuha ng enerhiya mula sa modular generators at power barges. Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines, gayunman, ang solusyong ito ay magreresulta sa pagtaas ng singil mula sa P1,600 hanggang P1,800 sa bawat tahanan, bilang dagdag sa regular na buwanang singil.

Ang huling pagkakataon na napilitang makitungo ang gobyerno sa mga may-ari ng power barges at iba pang independent power producers ilang administrasyon na ang nakararaan, gumamit ang pangulo ng emergency powers na ipinagkaloob ng Kongreso upang makipagkontrata sa kinakailangang kuryente ngunit sa ilalim ng mabibigat na kondisyon, tulad ng abnormal na matataas na presyo.

Habang naghahanap ang gobyerno ng mga paraan upang mapaigting ang supply ng kuryente, pinag-aaralan nito ang mga hakbang upang mapahupa ang problema. Kabilang dito ang maingat na pagtatakda ng planadong shutdown ng mga power plant para sa maintenance, rehabilitasyon upang mapaigting ang kanilang produksiyon, at ang paggamit ng self-genarating capacities ng ilang firm.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kailangang simulan din nito ang pagpapayo sa publiko tungkol sa kung paano makatitipid sa enerhiya. Kabilang sa mga mungkahi ang pagkakaroon ng mga thermostats ng mga cooling system na nasa mas mataas na temperatura kaysa dati, ang paggamit ng energy-saving devices, at muling pagtatakda ng mga oras sa trabaho sa mga opisina.

Ngunit ang mga pangmatagalang solusyon ay ang pagtatayo pa rin ng mas maramig planta – kabilang ang solar, wind, at iba pang renewable energy plant – sa pagkakaloob ng mas maraming incentives tulad ng tax breaks at pagbabawas ng red tape sa pagkuha ng government permit to operate. Ginagawa ito sa mga export zone ngayon at gagawin kalaunan upang himukan ang mga lokal na firm na tumutustos sa domestic market.

Bawat katiting na hakbang ay nakatutulong. Haharap sa atin ang problema sa summer ng 2015. Sa pagkakaroon ng mas maraming aksyon ng gobyerno pati na ang suporta ng publiko na abot sa kanilang makakaya, kaya nating mag-survive sa summer ng 2015.