BELA Padilla

BINUO ng produksiyon na gumawa ng mga de-kalibreng drama series na Bayan Ko at Titser, inihahandog ng four-time George Foster Peabody winner na GMA News and Public Affairs ang Sa Puso ni Dok na unang original medical drama series sa bansa simula bukas (Linggo, Agosto 24), sa GMA-7.

Sa pangunguna ni Dennis Trillo si Bela Padilla, tampok sa six-part weekly series ang masaklap na realidad sa estado ng pampublikong kalusugan sa bansa.

Makikilala sa Sa Puso ni Dok ang guwapo, istrikto, at maparaang head resident doctor ng Melchora Aquino General Hospital na si Doc Dennis de Vera (Dennis). Dahil sa dedikasyon niya sa kanyang profession, hindi nahihikayat magtrabaho sa ibang bansa si Doc Dennis. Ginagamit niya ang kanyang oras sa panggagamot sa mga pasyente sa ospital at sa mga may sakit sa mga liblib na baryo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bagamat natatakot nang magmahal, mapagtatanto ni Doc Dennis na may ibang plano ang kapalaran sa kanya sa katauhan ni Doc Gabrielle dela Cruz (Bela), isang masayahing Medicine graduate na kailangang kumpletuhin ang kanyang return service program bago makapagtrabaho sa ibang bansa.

Puno ng idealismo, magugulat si Doc Gab sa kanyang matutuklasan sa nasabing ospital - kulang ang pasilidad, maging ang mga nurse at doktor, at kakaunti lamang ang suplay ng gamot.

Kung si Doc Gab ay kulang sa karanasan para harapin ang mga sitwasyon sa ospital, may sarili namang diskarte si Doc Dennis kung paano ito bibigyang solusyon. At sa kanilang magkaibang personalidad, tanggapin kaya ni Doc Dennis na gabayan ang bagong doktor? Maimpluwensiyahan kaya niya si Doc Gab para manatili na lamang sa bansa at maglingkod sa mga kababayan? O si Doc Dennis kaya ang makumbinsi na umalis sa nasabing baryo at mangibang bansa?

Mula sa direksiyon ni Adolf Alix, Jr., tampok din sa nasabing medical drama series sina Anita Linda, Menggie Cobarrubias, Maey Bautista, AJ Dee, Gigi Locsin, Stephanie Sol, Elijah Alejo, Flor Salanga, at Sunshine Teodoro.

Abangan ang Sa Puso ni Dok tuwing Linggo simula bukas, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA-7.