Hinamon ng Malacañang si retired Army Major General Jovito Palparan na atupagin na lang ang mga kasong kinahaharap nito sa halip na puntiryahin si Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima.

“Palparan’s defense should be centered on answering allegations against him and not trying to impugn the credibility of Secretary De Lima,” pahayag ni Deputy Presidential Spokeswoman Abigail Valte.

Idinepensa ni Valte si De Lima matapos ihayag ni Palparan na kamag-anak ang kalihim ng communist leader na si Jose Ma. Sison kaya pinag-iinitan ito ng opisyal.

Kasalukuyang nakadetine sa kasong kidnapping at serious illegal detention, sinabi ni Palparan na ang may bahay ni Sison na si Luliet de Lima ay pinsan ng kalihim.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Binansagang “berdugo ng mga militante,” naaresto kamakailan si Palparan matapos ang tatlong taong pagtatago sa batas.

Si Palparan ang itinuturong utak sa misteryosong pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines noong 2006 subalit ilang beses na itong pinabulaanan ng retiradong heneral.

Kamakailan, sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na dapat na itratong inosente ang retiradong Army official hanggang hindi nadedesisyunan ng korte ang mga kaso laban ditto, at mahalaga na bigyan ito ng seguridad ng awtoridad. - Genalyn D. Kabiling