Dumarami na ang namamatay sa Ebola. Ito ay ayon sa isang ulat mula sa Geneva, Switzerland na nagsabing umabot na sa mahigit 1,300 na ang namamatay sa nakahahawang virus. Ayon naman sa UN health agency, umabot na sa mahigit 2,300 ang mga kaso ng infection.
Ayon pa sa ulat, ang epidemya, na tumama sa apat na bansa sa West Africa mula nang kumalat ito sa Guinea sa pagsisimula ng taon, ay ang pinakamatindi sa natuklasang Ebola apat na dekada na ang nakararaan sa bansang tinatawag ngayong Democratic Republic of Congo. Nitong nakaraang linggo, nagkaroon ng 48 bagong kaso at 53 ang namatay sa sakit sa Liberia kung saan labis na tinamaan. Mahigit 500 na ang namamatay doon. Nagtala ang Sierra Leone ng mahigit 38 bagong infection at 17 ang namatay, ayon sa datos ng World Health Organization. Bilang resulta, pumalo sa 2,473 ang kabuuang kaso at ang death toll nito sa 1,350. Sa Guinea, ayon pa rin sa mga ulat, mayroong 24 bagong kaso at 14 ang nadagdag sa mga namatay; kaya pumalo ang kabuuang bilang ng mga kaso sa 543 at sa 394 ang namatay. Sa Nigeria, may bagong 15 kaso ngunit wala pang naitalang namatay, ayon sa datos.
May nakapagsabi na dahil sa paglaganap ng nakamamatay na sakit na ito, bumagsak ang gobyerno ng Sierra Leone. Nagkakagulo na ang mga apektadong bansa; kaya naghihigpit ang mga awtoridad sa paglabas at pasok ng kapwa lokal at banyaga sa mga bansang ito. Kahit saan mang bansa kung ganito ang situwasyon, tiyak na malulumpo ang kanilang ekonomiya. Kung malingat naman ang mga awtoridad, isipin mo na lamang ang dagliang pagkalat ng virus – bagay na ikinababalaha ng mga kalapit na bansa. Kasi naman, mahawakan lang ang may virus, mahahawa na ang humawak.
Sa wakas kumikilos na umano ang UN at tinatalakay na nito ang paghihigpit sa air travel. Mas mabilis kasi ang pagkalat ng sakit sa iba pang bansa kung sasakay ng eroplano ang mga carrier ng virus. Panahon na lamang ang makapagsasabi kung makararating sa atin ang Ebola – eh pagkarami-rami ng mga Pilipino sa ibayong dagat na umuuwi sa Pilipinas. Magpahanggang ngayon, wala pang lunas ang Ebola at humahakbang ang mga sandali.