Ni KRIS BAYOS
Darating sa bansa sa Lunes ang operator ng MTR Hong Kong upang magsagawa ng pagsusuri sa kalagayan ng mga pasilidad at tren ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 bunsod ng aksidente noong Agosto 13, na 36 na pasahero ang nasugatan.
Sinabi ni Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya na kinuha ng MRT Corporation, ang may-ari ng MRT 3 system, ang serbisyo ng MTR Hong Kong upang magsagawa ng audit sa rail system.
Sinabi ng isang miyembro ng gabinete na ang pagkuha ng isang third-party auditor para sa MRT 3 ay inisyatibo ng MRT Corp.
“They (MRTC) want an audit of the status of MRT 3 that will cover the physical structure, rolling stock and the performance of the existing maintenance provider,” pahayag ni Abaya.
Ipinaliwanag ni Abaya na gagamitin ng gobyerno ang resulta ng audit ng MTR Hong Kong upang matukoy ang mga problema sa madalas na aberya ng mga tren ng MRT 3.
“MTR Hong Kong will help us analyze the problem of MRT 3. Is it because of poor maintenance, the age of the trains or the need for rehabilitation? Once we figure out what the problems are, then we’ll figure out the solution,” dagdag niya.
Kasabay nito, sinabi ni Abaya na ang Chinese supplier ng 48 bagong light rail vehicle (LRV) para sa MRT 3 system ay darating din sa bansa upang makipagpulong sa mga opisyal ng DoTC.
“They will be here to present the initial designs of the LRVs and to brief us on the manufacturing side,” ayon kay Abaya, tinukoy ang Dalian Locomotive and Rolling Stock Company na nakakuha sa P3.8-bilyon kontrata para sa mga bagong LRV.