BOKOD, Benguet - Pinangangambahan ng pamahalaang lokal ng Bokod ang posibleng pagkasira ng Naubanan watershed dahil sa pagpapatuloy ng ilegal na pamumutol ng punongkahoy para gawing vegetable garden sa paanan ng Mount Pulag sa bayang ito.
Nabatid na sa kasalukuyan ay may 10 ektarya ng kagubatan sa mga sitio ng Naubanan at Ekip sa Bokod ang nahawan at natatamnan na ng gulay. Kitang-kita sa lugar ang mga bakas ng puno na pinutol at sinunog.
Ayon kay Bokod Mayor Mauricio Macay, nangangamba sila na kapag nagpatuloy ang pagdami o paglawak ng gulayan ay maaapektuhan ang watershed sa Naubanan.
“Wala kaming magawa para pigilan sila, dahil sa gabi nila ginagawa ang pagputol ng puno at halos gabi rin ginagawa ang pag-aararo ng lupa gamit ang maliit na backhoe. Sa araw ay nakikita na lang namin na garden na ito at may kalsada pa,” pahayag ni Macay.
Aniya, bagamat tatlong magsasaka na ang nakasuhan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ay nagpapatuloy pa rin ang gardening sa lugar.
Dagdag ni Macay, pawang mula sa mga karatig-bayan na Buguias at Kayapa sa Nueva Vizcaya ang bigla na lang papasok sa lugar at igigiit na nabili nila o namana ang lupa, ngunit wala namang maipakitang papeles.
“Mabuti na lang at may bagong police station na itinayo rito ang provincial government at malaking bagay ito para mapigilan ang pagpuputol ng puno para sa conversion ng vegetable garden. Hindi naman kami pumipigil sa kanilang livelihood pero huwag naman sanang putulin ang mga puno at ilagay sa legal ang paghahanapbuhay, para naman kami ay makatulong sa kanila,” wika pa ni Macay.- Rizaldy Comanda