NAGULAT pero natawa na lang si Valerie Concepcion nang may bumati sa kanya dahil ikakasal na raw pala sila ng boyfriend niyang si Khristopher Tumambing.
“Hindi po totoo,” sagot ng maganda at mahusay na aktres na kontrabida ngayon sa My BFF ng GMA-7. “Siguro po dahil minsan may nag-request ng fan sign sa isang wedding photo booth na ang nakasulat ay MRS. Ikinagulat din iyon ng manager ko, si Tita Becky Aguila, at nag-text sa akin ng ‘what, soon na ba?’ Sabi ko, hindi totoo at isa naman siya sa unang makakaalam kung ikakasal na ako.”
Two years pa raw ang pinag-usapan nila ni Khris bago sila magpakasal. By that time ay doctor na ang boyfriend niya at siya naman ay graduate na ng Business Administration major in Marketing sa AMA Institute at 28 years old na. This month daw kasi, kukuha ng medical board examination ang kanyany boyfriend.
Inamin ni Valerie na kinilig siya nang malaman niyang magpapakasal na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Hindi niya napanood ang marriage proposal ni Dingdong kay Marian, kaya naghanap pa siya ng link. Nakasama niya ang actor noon sa Atlantika at fan naman siya ni Marian simula pa nang mapanood niya ito sa Marimar.
Samantala, nakakaranas ng bashing sa social media si Valerie mula sa mga sumusubaybay ng My BFF dahil sa role niya as Lavender na naghahabol kay Christian (Janno Gibbs) gayong may asawa na ito, si Lyn (Manilyn Reynes) at mga anak, sina Chelsea (Jillian Ward) at Rachel (Mona Louise Rey).
“Hindi ko po naman sila pinatulan kahit sabi nilang ganoon din daw ako sa tunay na buhay, na ako pa ang naghahabol sa lalaki, dahil hindi naman totoo. Pero natutuwa naman ako sa mga nakakakita sa akin sa labas na ang tawag nila sa akin ay Violet. Iyon sana ang name ko talaga sa story, kaya lang may isa na akong ginawa noon, ang Nagbabagang Bulaklak, na Violet ang pangalan ko, kaya ginawa na lamang nilang Lavender. At hindi naman lahat ng nakakakita sa akin sa labas ay galit sa akin.
“Gusto ko ang role ko sa serye na dinidirek ni Dick Lindayag and I’m looking forward sa twist ng character ko, dahil maloloka si Lavender, may history pala siya ng depression at nagsisimula na siyang mag-snap sa ilang eksena. Hindi niya kasi ma-take na lagi siyang iniiwan ng mga nagiging boyfriend niya matapos silang magkaanak. Kaya ang daddy niya, played by Tito Rez Cortez, ay very protective sa kanya. First time ko itong gaganap ng isang nalolokang character at ngayon pa lamang peg ko na si Jennylyn Mercado sa pag-portray niya ng Roxanne sa Rhodora X. Ang husay-husay kasi roon ni Jennylyn.”
Ang My BFF ay napapanood sa GMA 7 gabi-gabi, bago ang 24 Oras.