Sina Speaker Belmonte at Senate President Drilon daw ang unang haharang sa pag-aamyenda ng Saligang Batas ukol sa pagpapalawig ng termino ng Pangulo. Pero, laban man ang dalawa na baguhin ang political provision ng Konstitusyon, pinangungunahan naman nila ang pagaamyenda sa mga economic provision nito. Ang ilan sa mga probisyong ito, ayon kay Belmonte, ay iyong pagbabawal sa mga dayuhan na magmayari ng real estate at media. Ang pagmamayari at pamamahala ng mass media, wika ng Saligang Batas, ay limitado lamang sa mga Pilipino o sa mga korporasyon, kooperatiba o assosasyon na pagaari lamang nila. Kung masusunod si Belmonte, pwedeng ibigay ito sa mga dayuhan ayon sa batas na lilikhain ng kongreso.

Iyong mga sitwasyon ganito ay nagpapaala-ala sa akin sa sinabi noon ni Sen. Claro M. Recto. Suicidal daw ang lahi natin. Bakit hindi magiging isang suicide ang bigyan mo ng kontrol at pamamahala ang mga dayuhan ng ating media? Buong-buo na tangan na nila ang kapangyarihan sa ating bansa. Mayroon na silang salapi, may pamamaraan pa sila para nila itaguyod at ipaglaban ang kanilang interes sa sarili nating bayan.

Isa sa pinakamahalagang kwalipikasyon ng mag mamumuno sa atin ay siya ay Pilipino. Pilipino ang kailangang maging Pangulo at Pangalawang Pangulo. Pilipino rin dapat ang mga mambabatas at mga mahistrado at hukom. Ang mga ito ang tumatao sa tatlong departamento ng gobyerno. Ang media ay siyang sinasabing departamento ng taumbayan. Karapatan kasi ng mamamayan ang mamahayag at makaalam at makialam sa pagpapatakbo ng kanilang gobyerno Pero ang mga karapatang ito ay balewala kung walang malayang media.

Kapag ang media ay nasa kamay ng dayuhan, sa palagay kaya ninyo ay itataguyod nito ang kapakanan nating Pilipino? Kapag nagbanggaan ang interes nating Pilipino at interes ng mga dayuhan lalo na iyong may mga tangan ng media, hindi mo maasahan na kakatigan nila ang interes natin. Titibay ang kontrol ng mga dayuhan sa ating bansa at hindi magtatagal tayo na ang dayuhan at informal settlers dito.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez