Ni Genalyn D. Kabiling
Ang sana’y taimtim at makabuluhang paggunita ng ika-31 anibersaryo ng pagkamatay ni Senator Benigno “Ninoy” Aquino kahapon ay nabahiran ng usapin sa pagpapalawig ng termino ng kanyang anak na si Pangulong Benigno S. Aquino III.
Ito ay matapos maghayag ng opinyon si Presidential Security Group (PSG) chaplain Mosignor Daniel Tansip sa harap ng pamilya at taga-suporta ni PNoy sa idinaos na misa sa puntod ni Senador Aquino at maybahay nitong si dating Pangulong Corazon C. Aquino sa Manila Memorial Park sa Paranaque City.
“Kung ako lang po ang masusunod, ako’y isang ordinaryong pari lang, on this personal note, sana hindi na matapos iyong paglilingkod ng ating mahal na Pangulo para tuluy-tuloy pa rin ang magandang nasimulan sa pagtutuwid at pagtatama ng daan,” pahayag ni Tansip.
“I, for one, as priest believes that right at this very moment, the late Senator, your father, and of course your mother as well, are very happy with the achievements of their children,” dagdag ng pari sa kanyang sermon.
Suot ang dilaw na sport shirt at khaki na pantalon, dumalo si PNoy sa misa subalit hindi nagbigay ng mensahe. Kasama ng Pangulo sa okasyon ay ang kanyang mga kapatid na sina Ballsy, Pinky, Viel at Kris at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Kamakailan, marami ang nagulat nang biglang magbago ang tono ni Pangulong Aquino nang magdeklara ito na siya ay bukas sa charter-change at handa itong makinig sa boses ng mga mamamayan sa isyu ng term extension.