Hindi na nakauwi sa bansa, kinumpiska pa ang halagang $41,000 ng Federal authorities mula sa mag-inang Victoria Faren, 78, at Cherryn, 48, ng Clearwater, Florida na pauwi sana ng Manila sa connecting Delta Airlines flight palabas ng Detroit Metropolitan Airport matapos pigilin sa hindi magkakatugmang pahayag sa mga awtoridad.
Pinagdudahan ng US Customs and Border Protection officers ang interview kay Victoria nang sabihin na may dala lamang itong $200 sa bulsa gayong sa written declaration nito ay $1,200 ang nakasaad.
Dahil sa discrepancy, nagsagawa ng inspeksiyon ang mga awtoridad sa bag ni Victoria hanggang madiskubre na may $8,000 na nakalagay sa magkakahiwalay nitong wallet sa carry-on bag.
Sinabi ng mga awtoridad kay Victoria na ang lahat ng makukumpiska nilang pera ay idedeklara ng US District Court sa Detroit na pag-aari na ng gobyerno.
Sinundan ito ng pagrerekisa at pagtatanong kay Victoria subalit pinanindigan nito na iyon lamang lahat ang dala nitong cash hanggang sa makakuha pa ng $4,000 na itinahi nito sa cloth pouch at $1,000 na nakapaloob sa sealed envelope.
Sa gayong sitwasyon ay muling pinaalalahanan ng awtoridad si Victoria sa kabuuang currency na tinangka nitong ilabas nang walang tamang deklarasyon.
Dahil naipit na sa pagsisinungaling, itinuro ni Victoria ang iba pang karagdagang dalang pera na $3,000 na nakalagay sa loob ng kanyang blusa at $2,000 na itinahi sa strap ng kanyang bra.
Gayunman, sa kabila nang pagsasabi ni Victoria na wala nang nakatagong pera natuklasan pa na may nakabukol sa kanyang beywang na $21,000.
Nabatid kay Victoria na mula sa halagang $120,000 ang pera na dala nito na aniya ay pinagbentahan ng kanyang bahay. Ang ibang pera ay naipadala na niya sa Pilipinas at ipinasyang dalhin na lamang sa kanyang pag-uwi ang natitira pa.
Nang tanungin dito ang anak ni Victoria, sinabi nito na wala itong alam na may dalang ganung kalaking halaga ang ina.
Batid ni Victoria na hindi pinapayagan ng United States ang pagdadala ng ganung kalaking halaga palabas ng bansa subalit sinubukan nito sa pagbabakasakali na mailulusot ang naturang pera.
Sa Federal law, lahat ng biyahero ay kailangang magdeklara ng dalang pera sakaling lalagpas ito sa halagang $10,000. Hindi kinasuhan si Victoria subalit kinumpiska ang lahat ng pera na nakuha sa kanya.