Pinamunuan ng magkapatid na sina Ennajie at Ejiya Laure, mga anak ni dating national basketball team member Eddie Laure, ang isinagawang tryout ng Philippine Volleyball Federation (PVF) para sa bubuuing Under 17 national squad na isasabak sa AVC Asian Girls U17 Championships sa Nakhonratchisima, Thailand.

“Kapwa gusto nilang maglaro para sa bansa,” sinabi ni Laure, aktibong manlalaro ng PBA sa koponan ng Blackwater.

“Naimbitahan sila at talagang kapwa gustong mag-tryout dahil gusto nilang maging miyembro ng Team Philippines,” giit ng dating PBL MVP na si Laure.

Kabuuang 20 manlalaro ang dumalo sa ipinatawag na tatlong araw na tryout para sa koponan na hahawakan ng premyadong coach na si Jerry Yee at assistants na sina Raymond Castillo at Emilio Reyes Jr.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Personal ding nagbigay ng mensahe, hinggil sa responsibilidad bilang miyembro ng pambansang koponan, sa mga bata sina PVF president Karl Geoffrey Chan, secretary general Otie Camangian, Edgar Barroga at International Referee na sina Yul Benosa at Nestor Bello.

Inimbitahan sa tryout bilang libero sina Chenae Basante, Czarina Myles Cudias at Rona Mae dela Cruz habang sa setter sina Ma. Regina Mangulabnan at Mae Angeli Basarte.

Ang outside hitter ay binubuo nina Ejiya Laure, Jasmine Nabor, Trisha Mae Genesis at Dianne Althea Gelape habang ang open hitter ay kinabibilangan nina Justine Dorog, Ezra Gyra Barroga, Ennajie Laure, Roselyn Rosier, Erika Rivera, Faith Janine Nisperos at Maria Lina Molde.

Ang middle blocker at utility ay kinabibilangan nina Alyssa Marie Teofe, Marissa Gerin Layug, Christine Dianne Francisco at Marie Pauline Gaston.

Asam naman ng PVF na mapanatili ang koponan upang magsilbing magkakasama pag-angat tungo sa Under 19 hanggang sa Senior Team na siyang isinasabak sa mga torneo na tulad ng Southeast Asian Games, Asian Games, AVC qualifying at maging sa World Championships qualifying.