Nagpatuloy sa kanilang pananalasa ang National University (NU) matapos maipanalo ang kanilang ikalawang laro kontra sa Adamson University (AdU), 71-60, sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 77 women’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Umiskor ng 21 puntos si Gemma Miranda upang pamunuan ang nasabing ikasiyam na sunod na panalo ng Lady Bulldogs.
Nag-ambag nazan ng 19 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, si leading Rookie of the Year candidate Afril Bernardino at Shelley Gupilan.
Dahil sa kanilang panalo, kailangan na lamang ng Lady Bulldogs na maipanalo ang susunod na laro upang makamit ang unang Final Four berth.
Sa iba pang laro, nagsanib-puwersa naman sina Camille Claro at Cass Santos at umiskor ng pinagsamang 28 puntos para pangunahan ang defending champion De La Salle University (DLSU) sa 69-63 paggapi sa University of Santo Tomas (UST).
Bunga nito, umangat ang Lady Archers sa barahang 7-2 (panalo-talo) habang kapwa naman bumaba ang Tigresses at ang Lady Falcons sa barahang 4-5 kung saan ay magkasalo sila sa ikaapat na puwesto.
Hindi nakalaro para sa Tigresses ang mga manlalaro na sina Kim Reyes at Bettina Penaflor dahil sa kanilang disqualifying fouls sa nakaraang 78-83 pagkatalo sa NU.