Nasa gitna na naman ng kontrobersiya ang Supreme Court (SC) ngunit sa pagkakataong ito, sangkot ang pinakahuling miyembro nito na itinalaga ni Pangulong Benigno S. Aquino III matapos itong maalis sa listahan ng mga inirekomenda ng Judicial and Bar Council (JBC). Nagtungo si Solicitor General Francis Jardeleza sa SC upang kuwestiyunin ang pagkakatanggal sa kanya sa listahan ng JBC. Nang maipanalo niya ang kanyang kaso sa mataas na hukuman at pagkakalagay niya sa listahan, naitalaga siyang justice sa SC ng Pangulo.
Ang botohan na naghintulot ng kanyang pagkakasama sa listahan ay hinggil sa isyu ng due process. Hindi sinuri ng hukuman ang isyu sa integridad na inilutang ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa JBC, na siyang dahilan ng pagkakatanggal ni Jardeleza sa listahan. Ang isyung ito ay nananating kuwestiyon, kung saan dapat malinawan ang publiko. Ano ba ang isyu sa integridad na inilutang ni CJ Sereno at ano ang basehan para sa orihinal na desisyon at aksiyon ng JBC?
Ang hindi karaniniwang pagkakasunud-sunod at kontrobersiyal na likas sa mga kaganapan ang sumusunod sa dalawang desisyon ng SC na naging dahilan upang akusahan ng Pangulo ang hukuman ng “overreach”. Idineklara ng unang desisyon ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga mambabatas bilang unconstitutional. Idineklara ng ikalawang desisyon ang sariling Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Pangulo na unconstitutional din dahil sa paggastos ng pondo ng gobyerno na lingid sa kaalaman o hindi aprubado ng Kongreso sa pamamagitan ng pagpapatupad ng General Appropriations Act. Naghain ang Pangulo ng motion for reconsideration nang magpahayag siya ng kanyang pagnanais na amiyendahan ang Konstitusyon upang bawasan ang kapangyarihan ng SC.
Kalaunan, kikilos ang SC sa motion for reconsideration ng Pangulo hinggil sa isyu ng DAP. Sa susunod na mga linggo o buwan, maaaring pakilusin ang SC upang tingnan ang konstitusyunalidad ng isa dalawa pang isyu na malapit sa puso ng Pangulo – ang Bangsamoro agreement ng Moro Islamic Liberation Front, at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement ng Amerika.
Tayo ay nagtitiwala na kayang pagtagumpayan ng Supreme Court ang lahat ng problema, mga salabid at kontrobersiya na kinakaharap nito, kabilang ang pinakahuling isyu sa JBC, at manatiling matibay na tagapagtanggol ng Konstitusyon at katarungan sa ating bansa.