Gladys Reyes

TULOY pa rin ang pagsasapelikula ng Ang Sugo: The Last Messenger na hango sa buhay ng executive minister ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Felix Manalo. Ito ang balita sa amin ni Ms. Gladys Reyes na INC member at isa rin sa mga kasama sa cast ng nasabing pelikula.

Ayon sa aktres/TV host, walang katotohanan ang kumakalat na isyu na shelved na ang naturang movie at mas nagko-concentrate na lang daw ang pamunuan ng INC sa bago nilang auditorium na Philippine Arena, ang pinakamalaking indoor auditorium sa buong mundo.

May mga nagsasabi rin na gagawin na lang na stage play ang Ang Sugo at itatanghal sa Philippine Arena, pero itinanggi rin ito ni Gladys, na isa rin sa board members ng MTRCB na walang puknat sa kapo-promote sa iba’t ibang network ng pelikula nilang The Barber’s Tale.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ipinaparating din ng aktres sa kanyang mga tagahanga na bukod sa kanyang TV show sa Channel 7, tuluy-tuloy nang ipinapalabas sa PTV4 every Sunday, alas otso hanggang alas nuwebe ng gabi, ang MTRCB Uncut.

Nakatakda namang umpisahan ang shooting nila sa Ang Sugo sa October.

Pero tikom ang bibig ni Gladys nang tanungin namin kung totoo ba ang nakarating na balita sa amin na pinalitan na si Richard Gomez bilang bida sa nasabing pelikula.

Pagdating daw kasi sa pagpili sa mga gaganap na bida ay hindi na ‘yun saklaw ni Gladys. Pero sa pagkakaalam daw niya ay ang big boss ng Viva Films na si Mr. Vic del Rosario na ang namamahala sa produksiyon ng unang epic film tungkol sa Iglesia ni Kristo.

Dati sanang nakatakdang ipalabas bilang bahagi ng centennial celebration ng INC ang naturang pelikula, pero nagkaroon ng mga aberya kaya hindi natuloy. Pero ngayon ay binabalak nila na kapag natapos na ang pelikula ay sa Philippine Arena gaganapin ang premiere showing.

Gusto rin daw nilang masungkit ang Guiness World Record ng pinakamaraming manonood sa isang film showing na hawak daw ngayon ng Honor Flight na may attendance na mahigit sa 28 thousand sa Miller Park Stadium sa Milwaukee, Wisconsin, USA.