Ni LEONEL ABASOLA

Malugod na tatanggapin ng sub-committee ng Blue Ribbon Committee si Vice President Jejomar Binay sakaling nais nitong magpaliwanag hinggil sa kontrobersiya na kinakaharap ng kanyang pamilya kaugnay sa sinasabing maanomalyang P2.7 bilyong 11-storey Makati City parking building.

Ayon kay Senator Aquilino Pimentel III, chairman ng sub-committee, na pagkakataon na ito ni VP Binay na maipaliwanag ang kontrobersiya na ipinupukol sa kanya at sa anak na si Mayor Jun-Jun Binay.

Nilinaw din ni Pimentel na magiging impartial at objective ang imbestigasyon, kahit aminado siya na may halong pulitika ang imbestigasyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Nakikiusap ako sa taumbayan na huwag munang magkaroon ng mga espekulasyon sa imbestigasyon, hayaan nating matapos ito, para malaman kung may pagkakamali o wala” ayon kay Pimentel.

Ang imbestigasyon ay bunsod na rin ng resolusyon ni Senator Antonio Trillanes IV, na nagsabing mahalaga ito para malaman kung ano ang tunay na pagkatao ni VP Binay, na nangunguna sa presidential surveys.

Sinabi pa ni Pimentel na may mga posibilidad din na matalakay ang ibang proyekto ng pamahalaang lokal ng Makati na sinasabing nababalot din ng anomalya sa mga darating na pagdinig.

Aniya, ang resolusyon ni Trillanes ay hindi lamang nakapaloob sa usapin ng mga gusali kundi sa iba pang mga proyekto ng siyudad.

Inakusahan ni Atty. Renato Bondal at Narciso Enciso IV ang mga Binay na kumita umano ng P2 billion sa naturang gusali, bagay na una nang itinanggi ng mga Binay sa pagsasabing pamumulitika lamang ito.

Sinamahan na ng kaso sa Office of the Ombudsman ang mag-amang Binay at maging ang mga dati at kasalukuyang Makati councilor at ang resident auditor na Cecilia Caga-anan.

Iginiit ng dalawa na ang presyo ng gusali ay umabot sa P75,000 per square meter subalit ang kasalukuyang halaga nito ay P23,000 per square meter lamang.

Sinabi ni Pimenel na pagpapasyahan nila sa susunod na pagdinig sa Martes kung magkakaroon din sila ng ocular inspection.

Ipatatawag din ng komite ang Philmarcs’ Construction Corporation na gumawa ng gusali at ilan pang personalidad na posibleng lumutang sa pag-usad ng imbestigasyon.