Ang unang kaso sa Pilipinas ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) na nagdudulot ng Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) ay nakumpirma ng Department of Health (DOH) noong 1984 at ang unang namatay na Pilipino mula sa AIDS ay noong 1992.

Nagsimula ang HIV sa mga matsing sa sub-Saharan Africa at nailipat sa mga tao sa huling bahagi ng ika-19 o unang bahagi ng ika-20 siglo. Mula sa pinakamaagang naitalang kamatayan noong 1959, kumalat ang AIDS mula Central AFrica hanggang Haiti sa Western Hemisphere, at pagkatapos sa Amerika sa huling bahagi ng dekada 60. Opisyal na nagsimula ang epidemya sa Amerika noong 1981. Pagsapit ng 1982, tinukoy ito sa bago nitong pangalan – AIDS – na hinango ng US Centers for Disease Control.

Lumaganap ang pagkatakot bunga ng paglutang at pagkalat ng AIDS sa buong mundo, na naisasalin sa pamamagitan ng hindi malinis na hiringgilya, pinagsasaluhang karayom ng mga adik, at pagtatalik. Naroon din ang bahid ng kahihiyan dahil sa paraan ng pagsalin nito. Pinagdurusahan ng mga biktima ang diskriminasyon, tulad ng mga may ketong noong unang panahon.

Kaya ang tahimik na pagkalat nito sa Pilipinas ay hindi agad batid sa karamihan hanggang ibunyag noong isang araw ng DOH na ang bilang ng mga Pinoy na may HIV/AIDS ay pumalo na ngayon sa 19,330 at tinatayang papalo sa 32,379 sa pagtatapos ng 2014. Ang mga epektado ng HIV infection ay yaong mga nag-i-inject ng mga ipinagbabawal na droga, mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki, at mga sex worker.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Kasabay ng Ebola na nagsimula rin sa Africa, pinagtutuunan na rin ng pansin ng gobyerno ang HIV/AIDS. Nagpanukala ang DOH ng budget na P308 miyon para sa 2015, Bahagi ng programa, na nakatadhana sa Senate Bill 1217 ni Sen. Grace Poe, ay ang pagpapaigting ng mga mekanismo upang mabawasan ang kahihiyan na iniuugnay sa pagkakaroon ng naturang nakamamatay na sakit, sa layuning himuking magpagamot ang mga biktima.

Ang Pilipinas, tulad ng lahat ng bansa sa daigdig, ay nasa gitna ng isang Ebola watch, lalo na kung marami tayong manggagawa sa Liberia, Sierra Leone, at Nigeria na nakatakdang umuwi sa susunod na mga araw at sa panahon ng Pasko. Mainam na mayroon nang mga hakbang ang DOH para sa AIDS at Ebola, na kambal na banta sa kalusugan ng publiko na maaaring dala ng ating mga kababayan mula abroad. At gumagawa ng paraan ang DOH upang manatiling batid ng publiko ang mga pangyayari at ang suporta ng publiko ang pinakamahalaga sa harap ng mga epidemyang tulad ng mga ito.