Ginugunita ng sambayanang Pilipino ang ika-31 taon ng pagkamartir ni Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. ngayong Agosto 21. Ang “Ninoy Aquino Day” ay isang special non-working holiday, alinsunod sa Republic Act 9265, upang parangalan ang pagkamakabayan, pagkabayani, ang pakikibakang walang pagdanak ng dugo, at ang di natitinag sa paglaban para sa kalayaan at demokrasya.

Si Ninoy ang ginoo ng pinagpipitagang Icon of Democracy na si Pangulong Corazon Cojuangco Aquino, ang unang babae at ika-11 Pangulo ng Pilipinas, at ama ni Pangulong Benigno S. Aquino III, ang ika-15 Pangulo ng Pilipinas. Ang kanilang mga anak na babae ay sina Maria Elena, Aurora Corazon, Victoria Eliza, at Kristina Bernadette.

Nakatakdang isagawa ang commemorative rites at pag-aalay ng mga bulaklak sa Ninoy Aquino International Airport kung saan siya pinaslang, sa kanyang bantayog sa Roxas Boulevard sa Manila, at sa kanyang libingan sa Manila Memorial Park sa Parañaque City. Magdaraos din ang EDSA People Power Commission ng mga photo exhibit, lektura, at konsiyerto. Mayroon ding mga programa ang Ninoy and Cory Aquino Center for Leadership sa mga ahensiya ng gobyerno, paaralan, establisimiyento at iba pang lugar.

Isinilang noong Nobyembre 27, 1932 sa Tarlac, mga magulang niya sina Benigno S. Aquino Sr. at Doña Aurora A. Aquino, nagtapos ng high school sa San Beda College at kumuha ng Bachelor of Arts sa Ateneo de Manila University, ngunit huminto sa edad na 17 dahil nag-cover siya sa Korean War bilang correspondent para sa isang lokal na pahayagan. Sa edad na iginawad sa kanya ang Philippine Legion of Honor ni Pangulong Elpidio R. Quirino dahil sa kanyang galing sa peryodismo. Sa edad na 21, naging adviser siya para kay Defense Secretary Ramon F. Magsaysay. Nag-aral siya ng abogasya sa University of the Philippines ngunit huminto uli upang sundan ang kanyang karera sa peryodismo. Noong 1955, sa edad 22, nahalal siya bilang mayor ng Concepcion, Tarlac. Sa edad na 27, nahalal siya bilang vice governor ng Tarlac. At sa edad na 29, nahalal siya bilang gobernador. Nahalal siya bilang senador sa edad na 34.

National

4 na senador, binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill

Isa siyang mahusay na leader ng oposisyon. Nang idineklara ang martial law, isa si Ninoy sa mga naunang naaresto. Pitong taon siyang nakakulong sa isang bilangguan ng militar hanggang magtungo siya sa Amerika noong 1979 upang dumalo ng mga pagpupulong sa Harvard University at sa Massachusetts Institute of Technology. Nag-lekture siya sa mga unibersidad at nagtalumpati sa mga rally.

Sa kabila ng banta sa kanyang buhay, nagbalik siya sa Pilipinas noong Agosto 21, 1983, at sinabing “the Filipino is worth dying for”.