Hindi lamang ang pagpatay kay Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr. ang nais kong gunitain ngayon. Ibig ko ring sariwain ang ating pagkikipagbungguang-balikat sa dating senador na kinilala bilang pinakabatang Korean war correspondent noong hindi pa idinideklara ang martial law.

Bagamat sandali ko lang inabot ang pagiging mamamahayag ni Ninoy sa peryodiko na kapuwa namin pinaglilingkuran – ang orihinal na Manila Times, Daily Mirror at Taliba – napatunayan ko na siya ay isang lehitimong peryodista. Regular ang kanyang pagsusulat ng mga isyung pampulitika, bukod pa sa mga paksa hinggil sa kanyang mga karanasan sa digmaan sa Korea. Bilang isang mediaman, aktibo rin siya sa himpapawid – sa DZMT at ABC Channel 5 na kapuwa pag-aari ng Roces family. Nais kong bigyang-diin na bilang isang mambabatas, siya ay itinuring na darling of the press dahil sa makabuluhang mga panukalang-batas na inihain niya sa Senado.

Sa isang pambihirang pagkakataon, halimbawa, isang grupo ng mga mamamahayag ang nagsagawa ng press conference sa kanyang kinapipiitan sa Fort Bonifacio. Mga isyung kontrobersyal ang ipinabusisi namin sa kanya. Sa lahat ng ito, walang pangingimi niyang ipinahiwatig ang masasalimuot na situwasyon na umiiral noon sa Pilipinas. Bagama’t hindi tuwirang tinukoy, nahinuha namin ang kanyang matinding pagtutol sa pagsiil ng karapatan sa pamamahayag at sa iba pang karapatan ng sambayanan. Tila ipinahiwatig din niya ang mga eksena tungkol sa pagsubaybay ng Amerika sa pamamayani ng batas militar sa bansa.

Tikom ang bibig ni Ninoy sa pagsagot sa mga tanong hinggil sa mga haka-haka na siya ay makakaliwa at kakampi ng mga kasalungat ng administrasyon; lalo na ang isyu sa kanyang pagkakakulong; kalaunan siya ay hinatulan ng kamatayan. Mga isyu ito na ikinapit sa kanya hanggang sa siya ay patayin sa tarmac ng Manila International Airport (MIA) noong Agosto 21, 1983.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang iba pang eksena ng aking pagbabalik-tanaw ay bahagi ng lamang ng kasaysayan.