Nahaharap sa kasong plunder at graft si Senator Alan Peter Cayetano at asawang si Taguig City Mayor Laarni Cayetano sa Office of the Ombudsman.
Sa tatlong pahinang reklamong inihain ng grupo ng mga abogado na mula sa Philippine Association for the Advancement of Civil Liberties (PAACL), inaakusahan nila ang mambabatas ng diumano’y pagkamal ng yaman at maling paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Sinampahan ang senador ng 2 counts ng paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Si Mayor Cayetano naman at ang mga kasapi ng city council ay kinasuhan ng plunder sa diumano’y paggamit sa P313 milyong pondo ng bayan para kumuha sa serbisyo ng ghost employees noong 2012.
Inaakusahan din ang mag-asawang Cayetano ng pagbili ng 18 overpriced umanong multicabs noong 2012 na nagkakahalaga ng P500,000 bawat isa. (Rommel Tabbad at Jun Ramirez)