BAGUIO CITY – Posibleng mabura sa mapa ang isang lugar na tinukoy ng Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Cordillera na maaaring gumuho anumang oras, lalo na ngayong tag-ulan.
Iniutos ng MGB sa mga nakatira sa 19 na bahay sa Kiangan Village sa Kennon Road sa Barangay Camp 3 sa Tuba, Benguet, na lisanin na ang lugar, matapos itong makitaan ng makapal na landslide deposit kaya delikado nang tirahan pa.
Lumitaw din sa masusing pagsusuri ng mga geologist na may paggalaw sa lupa kaya naman ilang bahay na sa lugar ang tumagilid at lumubog nang isang talampakan.
Sa inilabas na report ni Ronnie Portes, geologist, noong Agosto 13, 2014, natukoy na nasa peligro at dapat nang lisanin ang buong Kiangan Village dahil unti-unti itong lumulubog, lalo na kapag tag-ulan.
Idineklara rin sa report na isang “No Built Zone” ang lugar.
“Wala kasing drainage na daluyan ng tubig mula sa itaas ng bundok at kahit magkaroon nito sa kasalukuyan ay hindi namin inirerekomenda na safe ito. Ang pinakasolusyon ay humanap na lang ng relocation site na ligtas,” sabi ni Portes.
Kapag tuluyang gumuho ang nasabing lugar ay kasamang guguho ang may 100-metrong kalsada. Hindi matibag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang malalaking bato sa gilid ng bundok para sa rehabilitasyon ng kalsada sa pangambang gumuho ang lugar.
Nilinaw din ng MGB na walang kinalaman ang mining activity sa lugar sa paglubog ng Kiangan Village.
Sa diyalogo sa mga residente kamakailan, sinabi ni Barangay Camp 3 Chairman Benedicto Baliton na bagamat nagsimulang lumubog ang lugar matapos ang malakas na lindol noong Hulyo 16, 1990, hindi nila umano mapaalis sa lugar ang mga residente dahil wala silang maialok na relocation site para sa mga ito.
Kasabay nito, nanawagan si Baliton sa pamahalaang bayan ng Tuba at sa pamahalaang panglalawigan ng Benguet na mabigyan ng relocation site ang mga taga-Kiangan Village. - Rizaldy Comanda