Mga laro ngayon: (Al Gharafa, Qatar)
9:00 a.m.- Philippines vs Korea
Masusubok ang katatagan ng Batang Gilas–Pilipinas sa pagsabak sa madalas na magkampeon na Korea sa pagpapatuloy ng preliminary round ng 23rd FIBA Asia U18 Championship sa Doha, Qatar na nagsimula noong Agosto 19 at magtatapos sa Agosto 28.
Habang sinusulat ito ay kasalukuyan pang kasagupa ng Batang Gilas, na ginigiyahan ni national coach Jamike Jarin, ang kasama sa Group B na Jordan.
Agad naman nagpakita ng dominasyon ang dalawang sunod na naging kampeon na China at Korea na nagwagi ng kabuuang 13 gintong medalya sa kasaysayan ng FIBA Asia U18 Championship at maging sa paglalaro ng magkasunod sa final sa huling dalawang edisyon.
Ito ay matapos na durugin ng kinikilalang higante sa torneo ang kanilang mga nakalaban kung saan ay pinaglaruan ng China ang Southeast Asia na Malaysia, 95-55, sa Group A competition na sinundan naman ng Korea sa pagdurog sa Jordan, 95-38, sa Group B.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang Batang Gilas coaching staff kung saan ay ginamit nito ang pagpahinga sa unang araw ng kompetisyon upang mag-scout sa mga kalaban sa kanilang panonood sa laban ng Korea at Jordan at maging sa mga koponan na nasa Group A na China, Qatar at India.
Ang Pilipinas, Jordan at Korea ay nakasisiguro na sa ikalawang round bagamat kailangan pa rin ng bawat koponan na magtala ng panalo na kanilang bibitbitin para sa susunod na round kung saan magsasama ang mga nasa Group A at Group B.
Hindi katulad ng China, sinandigan ng Korea ang pinaka-ekspiriyensado nilang manlalaro na si Byeon Junhyeong na nagtala ng 15-puntos sa laro sa isinagawang 12-man rotation ng koponan kung saan ang lahat ng manlalaro ay naipasok sa laban at nagawang mag-ambag ng 10 puntos bawat isa.