Aminado ang Commission on Elections (Comelec) na hindi sila kuntento sa mababang bilang ng mga nagpaparehistrong botante para sa 2016 presidential polls.

Kaugnay nito, patuloy ang poll body sa paggawa ng mga hakbang upang mahikayat ang mga botante na magparehistro.

Isa sa mga naturang hakbang ang paglulunsad nila sa Setyembre 6 ng satellite registration booths sa ilang piling Robinsons malls sa Metro Manila.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., sa pamamagitan ng mga naturang satellite booths ay magiging mas accessible at mas madali para sa publiko ang pagpaparehistro at tiyak na madaragdagan ang turnout ng registration at biometrics capturing.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Bukas ang satellite booths sa mga mall, mula 10:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Nilinaw ni Brillantes na ang maaari lamang magparehistro at magpa-biometrics doon ay ang nakatira sa lungsod kung saan matatagpuan ang mall.

Iniulat ng Comelec na tatlong buwan matapos na simulan ang registration period ay umaabot lamang sa halos kalahating milyon ang nagparehistro, na napakaliit kumpara sa 9.3 milyong registrants na target nila.

Ang voter’s registration ay magtatagal pa hanggang sa Oktubre 2015.