Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

12 p.m. San Beda vs Mapua (jrs/srs)

4 p.m. Arellano University vs San Sebastian College (srs/jrs)

Panatilihin ang kanilang pagkakaluklok sa liderato ang kapwa tatangkain ng first round topnotchers Arellano University (AU) at defending champion San Beda College (SBC) sa dalawang magkahiwalay na laro ngayon sa pagbubukas ng ikalawang round ng NCAA Season 90 basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Magkasalo sa barahang 7-2 (panalo-talo) sa pagtatapos ng first round, sisimulan ng Chiefs at ng Red Lions ang kanilang second round campaign, ang una kontra sa San Sebastian College (SSC) sa ganap na alas-4:00 at ang ikalawa naman ay ang laban sa Mapua sa ganap na alas-2:00.

Muli, pinapaboran ang Red Lions kontra sa Cardinals, tumapos lamang na may isang panalo sa kanilang siyam na laro, sa kanilang muling pagtutuos kung saan ay magbabalik aksiyon ang Nigerian center na si Ola Adeodun matapos pagdusahan ang kanyang isang larong suspensiyon mula sa kanilang eskuwelahan dahil sa kabiguan nitong sumipot sa kanilang ensayo bago ang huling laban sa Letran.

Bukod kay Adeogun, tiniyak din ni coach Boyet Fernandez na maglalaro ang kanilang ace guard na si Baser Amer na ipinasiya nilang pagpahingahin na lamang noong nakaraang All-Star Game makaraang magtamo ng minor injury sa kanilang laban kontra sa Knights.

Gaya ng dati, maliban kina Adeogun at Amer, sasandalan ng Red Lions sina Kyle Pascual, Arthur dela Cruz at Anthony Semerad para pamunuan ang kanilang koponan habang aasahan naman ni coach Atoy Co para sa misyon nilang magkamit pa ng karagdagang panalo sina Joseph Eriobu, Jesson Cantos, Andrew Estrella, Exequiel Biteng Carlos Isit at Jessie Saitanan.

Maraming ginulat sa kanilang magandang run sa first round, inaasahang magpapatuloy ang magandang performance ng Chiefs na muli ring pinapaboran kontra sa Stags na naghahangad namang maputol ang kinasadlakang 5-game losing skid.

Gaya ng mga nakaraan nilang panalo, tiyak na mamumuno para sa tropa ni coach Jerry Codinera sina Jiovanni Jalalon, All-Star MVP Nard Pinto, Dioncee Holts, Levi Hernandez at Keith Agovida.

Sa kabilang dako, umaasa naman si coach Topex Robinson na pamumunuan nina CJ Perez, Jovit dela Cruz at Bradwyn Guinto ang pagbangon ng Stags.