Ramon Bautista

Ni Michael Joe T. Delizo

IDINEKLARANG “persona non grata” ng konseho ng Davao City ang komedyanteng si Ramon Bautista dahil sa “hipon” jokes na kanyang binitiwan sa isang party sa lungsod na bahagi ng 29th Kadayawan sa Dabaw ilang araw na ang nakararaan.

Sa kopya ng resolusyon na ipinaskil ni Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte sa Facebook, tinawag niya si Ramon na “an extremely corrupt influence to the youth” at ang kanyang “abusive behavior should not be tolerated.”

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ang “hipon” ay isang birong Pinoy para sa isang tao na maganda ang pangangatawan pero hindi maganda ang mukha.

Batay sa resolusyon, ikinagalit din ng konseho ang litratong ipinaskil ni Ramon sa Instagram na nagpapakita sa kanyang kasama ang tatlong dalagang Davaoeña.

Mababasa sa caption: “Ito ang kabataan ngayon hihi <3 #Kadayawan

#YumoloNangNaaayonSaKakayahangBumawiKinabukasan

#PasisikatinKitaHijaFoundation #LikeATito@ayosdito_ph.”

Ayon sa resolusyon, nagpamalas si Ramon ng “utter arrogance” sa nasabing litrato at sa caption nito, ipinalalagay na “the young women in the picture are lusting for popularity because he is an endorser” ng ilang produkto.

Ayon sa Women Development Code ng Davao City, ang mga ginawa ni Ramon ay maaaring ituring na paraan ng “sexual harassment.”

Samantala, sinabi ni Davao City Mayor Rodrigo R. Duterte sa mga miyembro ng media na posibleng sinampal niya si Ramon kung nagkataong naroon siya sa party at aktuwal niyang narinig ang biro ng komedyante.

Noong Lunes ng gabi ay muling humingi ng paumanhin si Ramon sa Twitter at Instagram, idinagdag na, “Tatanggapin ko po kung anuman ang kahinatnan ng pagkakamaling ito.”