balita editorial aug202014

Isa sa nakadidismayang pagmasdan sa Metro Manila ngayong panahon ay ang daan-daan kataong nakapila na halos tatlong bloke ang haba makapasok lamang sa mga estasyon ng Metro Rail Transit (MRT) sa may EDSA kapag rush hour. Tulad ng mas matandang Light Rail Transit (LRT) na tumatakbo mula Caloocan patungong Rizal Avenue at Taft Avenue hanggang Baclaran sa Parañaque City, ang MRT ay nagsasakay ng libu-libong commuter araw-araw na nakatatagpo ng kaginhawahan (dahil iwas-trapik) at murang pasahe.

Noon, paminsan-minsang naantala ang isang tren dahil sa ilang problemang elektrikal at kailangang maglakad ang mga pasehero sa riles hanggang sa estasyon upang makababa sa kalye, ngunit hindi naman madalas na nangyayari iyon. Ang pagdagsa at pagsisiksikan ng mga pasahero ang pinakamalaking problema noon. Upang mapagaan ang situwasyon para sa mga babae at senior citizen, may ilang bagon ang inilaan para sa kanila.

Noong nakaraang linggo, sa unang pagkakataon, nagdulot ng kapinsalaan sa mahigit 36 pasahero ang isang aksidente. Sumalpok ang isang tren sa mga barrier na hangganan ng linya sa Taft station sa Pasay City. Pagkalipas ng ilang araw, isa na namang tren ang nag-malfunction habang tumatahak sa Santolan Station sa Quezon City. At isa na naman ang tumigil sa Buendia station sa Makati City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Malinaw na mayroong kapabayaan sa maintenance ng mga tren ng MRT. Halos 15 taon na nang magsimula ang operasyon ng MRT at hindi pa ito sumasailalim ng kahit na anong major rehabilitation dahil sa kakapusan ng pondo. Sa kabilang banda, sinabi ng isang spokesman, ang 30-anyos na LRT ay na-overhaul at napalitan na ang mga pangunahing bahagi nito. Itinayo ang MRT upang paglingkuran ang mahigit 350,000 pasahero araw-araw ngunit mahigit 560,000 naman ang sumasakay, dagdag pa ng spokesman.

Ang Department of Transportation and Communication (DOTC), kung saan nasa ilalim nito ang operasyon ng MRT, ay nasa proseso ng pagkuha ng mga bagong tren. Naghahanda na rin ito na ipa-bid ang isang bagong maintenance contract. Ang insidente sa Pasay City kung saan sumalpok ang isang tren sa barrier nito na nagresulta sa pagkakasugat ng 39 pasahero, ay nagpalutang ng elemento ng pagmamadali upang malutas ang problema.

Paano kung sa elevated tracks nangyari ang pagsalpok ng tren sa barrier? Nangyari ang ganitong insidente sa Skyway sa South Expressway kung saan sinalpok ng isang bus ang barrier nito at nahulog. Paano kung may isang tren na puno ng mga commuter na nasa elevated tracks sa EDSA ang nahulog sa mga bus sa kalye na puno rin ng mga pasahero?

Hindi dapat maghintay ang pamunuan ng MRT at ng DOTC upang malaman iyon. Kailangang kumilos sila upang pag-aralan ang insidente sa Pasay at gawin ang lahat hakbang nang matiyak na hindi ito mauulit.