Gaya ng inaasahan, nakopo ng National University (NU) at ng De La Salle University (DLSU) ang unang dalawang semifinals berth sa men’s division habang nauna namang umusad sa semis ang University of the Philippines (UP) sa women’s division sa ginaganap na UAAP Season 77 badminton tournament.

Kapwa winalis ng Bulldogs at ng Green Archers ang kanilang mga nakatunggali, ang una laban sa University of the East (UE), 5-0; at ang huli ay kontra sa University of Santo Tomas (UST), 5-0, para maiposte din ang kanilang ikalimang sunod na panalo.

Nagpatuloy naman sa kanilang nakakagulat na performance ang Lady Maroons nang ungusan ng mga ito ang UST Tigresses, 3-2, para manatiling walang talo makaraan ang unang limang mga laro.

Pinangunahan ni Peter Gabriel Magnaye ang NU, habang gaya pa rin ng dati ay nagsilbing lider si Gerald Sibayan para sa La Salle.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Naisalba ni Jessie Francisco sa matinding hamon ng UST ang UP makaraan niyang maipanalo ang deciding singles.

Sa iba pang laban, nagbida naman si reigning MVP Patrick Natividad nang blangkahin ng Ateneo, 5-0, ang Adamson, habang pinadapa ng UP ang Far Eastern University (FEU), 5-0.

Dahil sa panalo, nanatiling nasa ikatlong puwesto ang Blue Eagles na hawak ang barahang 4-1 (panalo-talo) habang tumabla naman ang Fighting Maroons at Growling Tigers sa fourth spot na hawak ang 2-3 baraha.

Bumaba naman ang Falcons at ang Red Warriors sa 1-4, habang winless pa rin ang Tamaraws matapos ang limang laro.

Nanaig naman ang women’s title holder Ateneo kontra sa Adamson, 4-1, upang pumuwesto sa likod ng UP na hawak ang kartadang 4-1.

Tinalo naman ng La Salle ang NU, 3-2, habang iginupo ng FEU ang UE, 4-1, para makatabla sa UST sa ikatlong puwesto na taglay ang barahang 3-2.

Tumabla naman sa 1-4 ang Lady Falcons at Lady Warriors habang wala pa ring panalo ang Lady Bulldogs, 0-5.