Pinaghahanda na ang publiko sa posibleng maranasang krisis sa tubig sa summer season sa 2015 bunsod ng nakaambang epekto ng El Niño phenomenon, ayon sa National Water Resources Board (NWRB).
Inamin ni NWRB executive director Dr. Sevillo David na nagsasagawa na sila ngayon ng monitoring at sa pagpasok ng Oktubre o sa susunod na mga buwan ay malalaman kung matutuloy ang kakapusan ng supply ng tubig sa pagpasok ng tag-init sa susunod na taon.
Kabilang aniya sa sinusubaybayan nila ang level ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan at sa posibleng epekto nito sa tagtuyot.
Aniya, ang nasabing water reservoir ay sumu-supply sa 97 porsiyento ng tubig sa Metro Manila at kung patuloy aniya sa pagbaba ng lebel ng tubig nito ay malaki ang posibilidad na magkaroon ng water crisis.
“Ang level kasi ngayon ng Angat Dam ay 178.46 meters. Ito ay mababa du’n sa minimum operation level na 180 meters. Sa ngayon, wala pa rin tayong tubig na puwedeng ibigay sa irigasyon ng Bulacan at Pampanga. Patubig po ng Metro Manila ang ibinibigay natin,” ani David.
Sinabi rin ng opisyal na kamakailan ay nakaranas ng mga pag-ulan sa Kamaynilaan at karatig-lalawigan, gayunman ay hindi naman ito direktang bumabagsak sa kabundukang maaaring magdagdag-tubig sa dam.
Inihayag nito na puntirya nilang maipalo sa 210 metro ang antas ng tubig sa Angat Dam para mapaghandaan ang napipintong pagpasok ng epekto ng El Niño sa bansa ngayong Nobyembre o Disyembre.
Matatandaang inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na makararanas ng “below normal level” ang maiipong tubig ng dam sa huling dalawang buwan ng kasalukuyang taon.
Dasal din ni David na magkaroon ng mga pag-ulan ngayong Agosto at Setyembre upang maka-recover ang Angat Dam sa patuloy ng pagbaba ng lebel ng tubig nito.
Ipinaliwanag din nito na may nakalatag na silang contingency plan, kabilang ang pagbaba sa pakakawalang water pressure at pagkakaroong ng schedule sa suplay ng tubig sa ilang lugar.
Hiniling din niya sa publiko na magipon at magtipid ng tubig.