WALA namang sinabi ang Pangulo na naghahangad siya ng term extension, wika ni Communication Secretary Coloma ng Malacañang. Aalamin lang niya anya ang saloobin ng mamamayan. Totoo walang sinabi si Pangulong Noynoy, pero sinabi niya na bukas siya sa pag-aamyenda ng Saligang Batas. Winika niya ito pagkatapos na sabihin ni DILG Secretary Mar Roxas na ang Pangulo raw ang pambato ng liberal Party (LP) sa darating na halalan. Inulit pa ito ng mga kaalyado nila sa kongreso. Kailangan pa bang sabihin ng Pangulo na naghahangad siya ng bagong termino nang hindi babaguhin ang Konstitusyon. Eh anim na taon lang pwede siyang mamalagi sa pwesto ng walang reeleksyon.
Ipagpalagay na inaalam pa ng Pangulo ang saloobin ng kanyang mga boss kung kakandidato siya o hindi, pero ang malinaw, siya ay para charter change. Ang napakabigat na problema sa nais mangyaring ito ng Pangulo ay ang kongreso mismo ang magaamyenda ng Saligang Batas bilang isang constituent assembly. May ibang paraan naman para sa layuning ito, bakit pa sila? Unanguna na nga eh ang layunin ng Pangulo para amyendahan ang Konstitusyon ay ilagay daw sa wastong kalagayan ang Korte Suprema bilang patas ng kapwa niya departamento ng gobyerno, ang lehislatura at ehekutibo. lamang daw ito sa dalawa dahil ang anumang gawin ng mga ito ay pwede niyang balewalain.
Kaya lang naman pumasok sa ulo ng Pangulo ang bagay na ito ay idenaklara kasi ng Korte na labag sa Saligang Batas ang pork barrel ng Pangulo at mga mambabatas. At kaya naman napunta ang isyu ng DAP at PDAF sa Korte ay dahil dito pala sa mga ito pinadudugo nila ng bayan. Sa pakikipagsabwatan ng mga mambabatas kay napoles at kagaya nito, napakalaking salapi ng PDAF ang nangawala. lumitaw na pinadaan sa mga pekeng ngo ang pondo upang maibulsa lamang ng iilan. Kaya laban sa kapakanan ng mamamayan na ang napakalaking salapi ng bayan ay nasa kamay at kontrol ng iilang opisyal ng gobyerno gaya ng Pangulo at mambabatas. Ngayon, sila-sila na ang magaamyenda ng Konstitusyon, ano ang maasahan natin kundi maging lasug-lasog ito sa DAP at PDAF. Konstitusyon ito ng pork barrel at lesensiya ng pandarambong.