Isinampa na ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang kasong kriminal laban kay dating Iloilo Mayor Mildred Arban-Chavez at anim na iba pa dahil sa maanomalyang paggastos ng pondo sa kanilang kapistahan noong 2008.

Nakakita ng probable cause si Ombudsman Conchita Carpio Morales para kasuhan ng malversation of public funds thru falsification of public documents sina Chavez, Dating Executive Assistant Limwel Arban, Municipal Accountant Riza Lee Candelario, Municipal Budget Officer Isidro Parica, OIC Municipal Treasurer Melanie Peniero, Teacher I Pelcy Galino, at Freddie Cuarte.

Lumilitaw na nag-cash advance ang mga respondent ng P150,000 na inilaan umano sa bayad sa renta ng upuan at mesa, video camera, generator set at iba pa upang magamit sa selebrasyon ng Saug Festival noong 2008.

Subalit lumitaw sa imbestigasyon na hindi natuloy ang pag-upa sa kagamitan kaya kuwestiyunable kung saan napunta ang pera.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Mismong si Cuarte ang nagsabing hindi inupahan ang kanyang video equipment subalit mayroon siyang nilagdaan na voucher para sa liquidation ng P37,000.00 rental payment.

Sinabi naman ng principal ng LNHS na nakatanggap ang eskuwelahan ng P58,000.00 subalit wala umanong nirentahan na mga mesa, upuan , kurtina habang ang tinanggap na P21,200.00 ay ipinamili ng pagkain na ihahanda sa kapistahan. - Jun Fabon