Nagpahayag ng pag-aalala kamakailan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa paghihigpit ng mga bangko sa Estados Unidos sa ginagawang pagpapadala ng dolyar ng mga overseas Filipino workers (OFW) mula sa nasabing bansa, dahil sa hinalang ito rin ang ginagamit na paraan ng mga grupo ng terorista sa pagpopondo sa kanilang mga aktibidad. Ayon sa nakalap na impormasyon ng BSP, may ilang bangko sa Estados Unidos ang tumigil na sa pagbibigay ng remittance services.
Dahil dito, sinabi ni BSP Governor Amando M. Tetangco Jr. na sinusubaybayan ng kanyang ahensiya ang sitwasyon. Kasabay nito, pinag-aaralan ng BSP ang ibang paraan na magagamit ng mga OFW upang patuloy na matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas kung tuluyan nang itigil ng mga bangko sa Estados Unidos ang remittance services.
Ang Pilipinas ang pangatlong bansa na tumanggap ng pinakamalaking remittances noong 2013, na tinatayang umabot sa $25 bilyon, sumunod sa India na tumanggap ng $71 bilyon; at sa Tsina, na tumanggap ng $60 bilyon. Inaasahan na ang kabuuang remittances ng mga OFW sa 2014 ay aabot sa $24 bilyon.
Tama ang mga hakbang na ginagawa ng BSP upang huwag mapinsala ang daloy ng remittances. Naniniwala naman ako na kung sakaling ituloy ng mga bangko sa Estados Unidos ang pag-aalis ng kanilang remittance services ay ang mga bangko sa ibang bansa naman ang magpapatuloy ng ganitong serbisyo sa mga OFW. Sa kabilang dako naman, itinuturing kong isang paalala sa pamahalaan ang panibagong banta sa remittances, na hindi dapat na ituring ang pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa bilang palagiang bahagi ng ekonomiya ng bansa.
Ang malaking halaga ng remittances ay hindi maitutumbas sa mga problemang emosyonal at panlipunan na nag-uugat sa paghihiwalay ng mga pamilyang Pilipino. Sa halip, dapat paigtingin ng pamahalaan ang pag-akit sa mga dayuhang mamumuhunan upang patuloy na lumaki ang pumapasok na FDI, para tustusan ang pagtatayo ng mga industriya, na siya namang lilikha ng mga hanapbuhay para sa mga Pilipino.