Makabalik sa solong pangingibabaw ang tatangkain ngayon ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa kanilang pakikipagtuos sa season host University of the East (UE) sa pagpapatuloy ng second round eliminations ng UAAP Season 77 basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nabigo ang Blue Eagles na makapagsolo sa liderato sa pagsisimula ng second round nang mabigo sila sa kanilang archrival at defending champion na De La Salle University (DLSU) sa maaksiyong laro nila noong nakaraang Linggo sa second round na ginanap sa Araneta Coliseum sa Quezon City.

Dahil dito, target ng Blue Eagles na makabalik sa winning track at makakalas sa kasalukuyang pagkakabuhol nila ng Green Archers at ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws na pawing taglay ang barahang 6-2 (panalo-talo).

Hangad ng Ateneo, sa pangunguna ng kanilang kapitan na si Kiefer Ravena, na maulit ang kanilang naitalang 93-70 panalo kontra sa Red Warriors nang una silang magtuos noong nakaraang Agosto 10.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa kabilang dako, pagkakataon naman ng UE, sa pamumuno ni Roi Sumang, na makabawi naman sa Ateneo at dugtungan ang huling panalong naitala sa pagtatapos ng first round kontra sa University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 72-71, upang umangat at makapagsolo sa ikatlong puwesto kung saan ay kasalo nila ang UST na taglay ang barahang 4-4 (panalo-talo)

Una rito, sisikapin naman ng National University (NU) Bulldogs na patatagin ang kapit sa ikalawang puwesto sa pagtatangkang mailista ang ikaanim nilang panalo sa pagsagupa naman sa winless pa ring Adamson sa ganap na alas-2:00 ng hapon.

Unti-unti namang nagkakaroon ng pagbabago at pag-angat sa kanilang laro, aasintahin naman ng Falcons na maitala na ang unang tagumpay na naging mailap sa kanila sa unang walong laban.