Jaycee Chan

BEIJING (AP) – Naaresto at ikinulong sa Beijing ang anak ng Hong Kong action superstar na si Jackie Chan na si Jaycee Chan dahil sa bawal na gamot. Siya ang huling high-profile celebrity na nasangkot sa isa sa pinakamalalaking anti-drug operation ng China sa nakalipas na dalawang dekada.

Nakulong noong Agosto 14 si Jaycee, 31, kasama ang 23-anyos na Taiwanese movie star na si Kai Ko, batay sa kumpirmasyon noong Lunes ng gabi ng pulisya sa Beijing sa opisyal nitong microblog; kinilala lang ang dalawa sa kanilang mga apelyido, edad at nationality. Hindi malinaw kung bakit ilang araw muna ang lumipas bago inihayag ng pulisya ang pag-aresto.

Ayon sa pulisya, kapwa nagpositibo sa marijuana ang dalawang aktor at pareho rin umanong umamin sa paggamit ng bawal na gamot, sinabi pang ang 100 gramo ng nakumpiskang droga ay natagpuan sa bahay ni Jaycee.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Humingi ng paumanhin sa publiko ang management ni Jaycee na M’Stones International. Ayon sa kumpanya, kanilang isu-“supervise his rehabilitation and help him return to the right path.”

Isinagawa ang pagdakip kasunod ng deklarasyon noong Hunyo ni President Xi Jinping na dapat nang sugpuin ang bawal na gamot at patawan ng mabigat na parusa ang mga mapatutunayang nagkasala. Sa Beijing pa lang ay mahigit 7,800 katao na ang naaresto sa pinaigting na anti-illegal drugs operation, ayon sa pulisya.

Kabilang sa mga ikinulong ang ilang celebrities, gaya ni Gao Hu, na napanood sa pelikula ni Zhang Yimou noong 2011 na The Flowers of War.

Akusado si Jaycee sa pagtanggap sa mga drug user, na may maximum sentence na tatlong taong pagkapiit, at drug consumption naman ang kaso ni Kai.

Taong 2009 nang kilalanin ng China si Jackie Chan bilang anti-drug ambassador. Samantala, bahagi naman si Kai ng isang anti-drug campaign dalawang taon na ang nakalipas.

Sa isang pahayag online, sinabi ng management company ni Kai na Star Ritz Productions na 14 na araw na mapipiit ang aktor. Kahapon ay umiiyak na nagbigay ng public apology si Kai.