ZAMBOANGA CITY – Hindi pa rin natatagpuan ang 45 miyembro ng tribung Sama Badjao na isang linggo nang nawawala makaraang lumubog ang kani-kanilang bangkang de-motor sa hilaga-silangan ng Sibutu Island sa Tawi-Tawi malapit sa hangganan ng Pilipinas at Malaysia noong gabi ng Agosto 12, 2014.

Nailigtas naman ng patrol boat ng Philippine Navy ang 12 Sama Badjao, kabilang ang apat na bata, habang patuloy pang pinaghahanap ang 45 na iba pa.

Ayon sa Western Mindanao Command (WesMinCom), bawat isa sa tatlong lumubog na bangka ay may sakay na 19 na Sama Badjao habang patungo sa Sabah, Malaysia para magbenta ng isda.

Batay sa report, bandang 6:00 ng gabi noong Agosto 12 nang nilisan ng tatlong bangka ang Bongao, Tawi-Tawi pero lumubog ito sa hilaga-silangan ng Sibutu Island dahil sa masamang panahon at naglalakihang alon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Namataan naman ng mga tripulante ng MV Savina, isang bulk carrier mula sa Australia at patungong China, ang insidente at agad na nakipag-ugnayan sa awtoridad, anang WesMinCom.

Ang mga nailigtas na Badjao ay agad na dinala sa Bongao, sa pakikipagtulungan ng lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD), para gamutin. - Nonoy E. Lacson