Sumugod kahapon sa Office of the Ombudsman ang mga residente ng dalawang barangay sa Makati City at naghain ng karagdagang ebidensiya laban kay Vice President Jejomar Binay at 23 iba pang opisyales na magpapatunay umano na aabot sa P1.9-bilyon hanggang P2.455-bilyon ang overpricing sa pagpapatayo ng Makati City Parking Building.

“Hindi pala P1.2-bilyon o P1.6-bilyon lamang ang tongpats sa kasong plunder na ito. Batay sa bagong ebidensya na inilabas ng Commission on Audit (CoA), hindi bababa sa P1.9-bilyon ang tongpats sa pagpapagawa ng Makati City Hall Building,” sabi ni Atty. Renato Bondal.

Kasama ni Bondal ang kapwa complainant na si Nicolas “Ching” Enciso nang ihain nila sa Ombudsman ang 9- pahinang suplemento sa kanilang orihinal na plunder complaint laban kay VP Binay, Mayor Erwin Jejomar S. Binay Jr., CoA Auditor Cecilia Caga-anan at 21 konsehal ng Makati.

Ayon kay Bondal, inamin ni Caga-anan sa kanyang report kay Director Carmelita O. Antasuda ng CoA Local Government Sector (National Capital Region) na umabot sa P2,711,566,502.50 ang kabuuang budget para sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na parking building.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Inilaan ang nasabing budget sa 10 ordinansa na inaprubahan ng Makati City Council mula 2007 hanggang 2013 sa pamumuno ni VP Binay, na noo’y punong bayan ng siyudad, at kasalakukuyang mayor na si Jun Jun.

Lumutang lamang ang nasabing report ni Caga-anan kay Antasuda matapos na maihain nina Bondal at Enciso ang reklamong plunder laban kay VP Binay at iba pang opisyales ng Makati.

“Unti-unti nang naglalabasan ang mga dokumentong magdidiin kay VP Binay at iba pang akusado. Umaasa kami na may mga whistle-blowers pang lalabas para magbigay ng dagdag na ebidensya kaugnay ng nasabing kaso,” ani Bondal.

Batay sa dokumentong inilabas ni Caga-anan, aabot sa P2,455,727,438.50 ang overpricing sa Makati City Hall Parking Building kung ikukumpara ito sa average price na P8,013 kada metro kuwadrado noong 2007. (Jun Fabon)